Napakalungkot na sa Jerusalem na dati ay puno ng mga tao. Ang kilalang-kilala noon sa buong mundo, ngayoʼy naging tulad ng isang biyuda. Kung dati ay reyna siya ng lahat ng lungsod, ngayoʼy isang alipin ang kanyang katulad. Buong pait siyang umiiyak sa magdamag. Ang mga luha niyaʼy dumadaloy sa kanyang mga pisngi. Walang dumamay sa kanya kahit isa man sa kanyang mga minamahal. Siyaʼy pinagtaksilan ng lahat ng kanyang kaibigan, na ngayoʼy kanyang naging mga kaaway. Lubhang pinahirapan ang Juda at ang mga mamamayan niyaʼy binihag. Doon na sila nakatira sa ibang bansa kung saan silaʼy inalipin. Tinugis sila ng kanilang mga kaaway hanggang hindi na sila makatakas. Ang mga daan patungo sa Zion ay puno na ng kalungkutan, dahil wala nang dumadalo sa mga itinakdang pista. Sa mga pintuang-bayan ay wala na ring mga tao. Ang mga pari ay dumadaing, at ang mga dalaga ay nagdadalamhati. Napakapait ng sinapit ng Jerusalem. Pinamunuan sila ng kanilang mga kaaway, at yumaman ang mga ito. Sapagkat pinahirapan ng PANGINOON ang Jerusalem dahil napakarami nitong kasalanan. Ang kanyang mga mamamayan ay binihag ng mga kaaway. Ang kagandahan ng Zion ay naglaho na. Ang kanyang mga pinuno ay parang mga gutom na usa na naghahanap ng pastulan. Silaʼy nanghihina na habang tumatakas sa mga tumutugis sa kanila. Ngayong ang Jerusalem ay nagdadalamhati at naguguluhan, naalala niya ang lahat ng dati niyang kayamanan. Nang mahulog siya sa kamay ng kanyang mga kaaway, walang sinumang tumulong sa kanya. At nang siyaʼy bumagsak, kinutyaʼt tinawanan pa siya ng kanyang mga kaaway. Napakalaki ng kasalanan ng Jerusalem, kaya naging marumi siya. Ang lahat ng pumupuri noon sa kanya ngayoʼy hinahamak na siya, dahil nakita nila ang kanyang kahihiyan. Sa hiya ay napadaing siya at tumalikod. Nabunyag sa lahat ang kanyang karumihan, at hindi niya inalala ang kanyang kasasapitan. Malagim ang kanyang naging pagbagsak, at walang sinumang tumutulong sa kanya. Kaya sinabi niya, “O PANGINOON, tingnan po ninyo ang aking paghihirap, dahil akoʼy nilupig ng aking mga kaaway.” Ang mga kaaway niyaʼy ninakaw ang lahat ng kanyang kayamanan. At nakita niyang pumasok sa banal na Templo ang mga bansang pagano, silang mga ipinagbawal mo na pumasok sa iyong santuwaryo. Ang mga mamamayan niyaʼy dumadaing habang naghahanap ng pagkain. Ipinagpalit nila ang kanilang mga kayamanan para sa pagkain upang mabuhay. Sinabi ng Jerusalem, “O PANGINOON, pagmasdan po ninyo sapagkat akoʼy nasa kahihiyan.” Sinabi rin niya sa mga dumaraan, “Balewala lang ba ito sa inyo? May nakita ba kayong naghirap na kagaya ko? Ang paghihirap na ito ay ipinataw sa akin ng PANGINOON nang magalit siya sa akin.
Basahin Mga Panaghoy 1
Makinig sa Mga Panaghoy 1
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mga Panaghoy 1:1-12
3 Araw
Ang Panaghoy ay ang "panungol na pader" ng Bibliya, isang koleksyon ng mga tula na puno ng kalungkutan na babasahin sa libing ng Jerusalem habang ito ay nakahiga sa abo pagkatapos itong ibagsak. Araw-araw na paglalakbay sa Panaghoy habang nakikinig ka sa audio study at nagbabasa ng mga piling talata mula sa salita ng Diyos.
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas