Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 41:12-34

Job 41:12-34 ASD

“Sasabihin ko pa sa iyo ang tungkol sa katawan ng Leviatan at kung gaano siya kalakas at kamakapangyarihan. Sinong makakatuklap ng kanyang balat o makakatusok nito? Sino ang makakapagpabuka ng kanyang bunganga? Ang mga ngipin niyaʼy nakakatakot. Ang likod niyaʼy may makakapal na kaliskis na parang kalasag na nakasalansan. Masinsin ang pagkakadikit-dikit ng mga ito na kahit hangin ay hindi makakalusot. Mahigpit ang pagkakadugtong nila sa isaʼt isa, Magkakadikit ang mga ito at hindi matutuklap. Kapag bumabahing siya, may lumalabas na parang kidlat at ang kanyang mga mata ay mapula na parang bukang-liwayway. Apoy ang dumadaloy mula sa kanyang bibig at sumisiklab ang apoy na lumalabas at umuusok ang ilong na parang nagmumula sa kumukulong palayok na may nagliliyab na panggatong. Ang hininga niyaʼy makapagpapabaga ng uling dahil sa apoy na lumalabas sa kanyang bibig. Nasa leeg ang kanyang lakas, at ang makakita sa kanya ay kinikilabutan. Kahit ang kanyang mga laman ay siksik at matitigas. Ang puso niyaʼy kasintigas ng bato, marahas at walang takot. Kapag siyaʼy tumayo, takot na takot pati ang mga makapangyarihang tao; binabalot sila ng kilabot. Walang espada, sibat, pana, o palasong makakapanakit sa kanya. Ang turing niya sa bakal ay dayami, at sa tanso ay bulok na kahoy. Hindi niya iniilagan ang mga pana. Ang mga batong tumatama sa kanyaʼy nagiging parang mga ipa lang. Ang mga kahoy na ipinapalo ay parang mga dayami lang sa kanya. At pinagtatawanan lang niya ang mga humahagibis na sibat na inihahagis sa kanya. Ang kanyang tiyan ay may matatalim na kaliskis, na parang mga basag na bote. Kaya kapag gumagapang siya sa putik, nag-iiwan siya ng mga bakas sa giikan. Kinakalawkaw niya ang dagat hanggang bumula na parang kumukulong tubig sa palayok o kumukulong langis sa kaldero. Ang tubig na kanyang dinadaanan ay bumubula, parang puting buhok kung tingnan. Wala siyang katulad dito sa mundo. Isa siyang nilalang na walang kinatatakutan. Minamaliit niya ang lahat ng mayayabang na hayop. Siya ang hari ng lahat ng mababangis na hayop sa gubat.”