Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 23:1-12

Job 23:1-12 ASD

Pagkatapos, sinabi ni Job, “Hanggang ngayoʼy labis pa rin ang hinaing ko. Pinahihirapan pa rin ako ng Diyos sa kabila ng labis kong pagdaing. Kung alam ko lang kung saan ko siya hahanapin; kung makakapunta lang sana ako sa kinaroroonan niya, sasabihin ko sa kanya ang aking kaso at ilalahad ang aking katuwiran. Gusto kong malaman kung ano ang isasagot niya sa akin at gusto ko ring maintindihan ang sasabihin niya. Makikipagtalo kaya siya sa akin gamit ang kapangyarihan niya? Hindi! Hindi niya iyon gagawin, kundi pakikinggan niya ako. Ang taong matuwid na tulad ko ay maaaring mangatuwiran sa harap ng aking hukom, at palalayain niya ako nang lubusan. “Akoʼy pumunta sa silangan, ngunit wala siya roon; pumunta ako sa kanluran, ngunit hindi ko siya makita. Hindi ko siya natagpuan sa hilaga, sapagkat siyaʼy nakakubli. Hinanap ko siya sa timog, ngunit siyaʼy natatakpan. Ngunit alam niya ang aking ginagawa. Pagkatapos niya akong subukan, makikita niyang malinis ako tulad ng purong ginto. Sinunod ko ang kanyang mga hakbang; hindi ko ito sinuway. Sinusunod ko ang kanyang mga utos, at iniingatan ko ito sa aking puso. Pinahahalagahan ko ang mga salita niya nang higit pa sa pang-araw-araw kong pagkain.