Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 15:1-16

Job 15:1-16 ASD

Sumagot si Elifaz na taga-Teman, “Job, ang taong marunong ay hindi nagsasalita ng walang kabuluhan. Hindi siya nakikipagtalo sa mga salitang walang saysay. Ngunit ang mga sinasabi moʼy magtutulak sa tao upang mawalan ng paggalang sa Diyos at magiging hadlang sa paglilingkod sa kanya. Ang sinasabi mo ay bunga ng iyong kasamaan. At dinadaya mo ang iba sa pamamagitan ng iyong mga sinasabi. Hindi na kailangang hatulan pa kita, dahil ang iyong mga sinasabi mismo ang nagpapatunay laban sa iyo. “Akala mo baʼy ikaw ang unang isinilang? Ipinanganak ka na ba bago nilikha ang mga bundok? Narinig mo na ba ang mga plano ng Diyos? Ikaw lang ba ang marunong? Ano baʼng alam mo na hindi namin alam? At ano ang naunawaan mo na hindi namin naunawaan? Natuto kami sa matatanda na mas matanda pa kaysa sa iyong ama. Sinabi namin sa iyo ang mga salitang mula sa Diyos na makapagbibigay ng lakas at aliw sa iyo. Hindi pa ba sapat iyon? Bakit nagpapadala ka sa iyong damdamin? At bakit ang mga mata moʼy nanlilisik sa galit, kaya sa iyong pananalitaʼy kinakalaban mo ang Diyos at nagsasalita ka nang masama? “Kaya ba ng isang tao na mamuhay nang malinis at matuwid sa paningin ng Diyos? Ni hindi nga lubusang nagtitiwala ang Diyos sa mga anghel niya. Kung ang mga nilalang niyang ito na nasa langit ay hindi lubusang malinis sa kanyang paningin, ang tao pa kaya na ipinanganak na masama at makasalanan, at uhaw sa paggawa ng masama?