Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 9:1-17

Juan 9:1-17 ASD

Habang naglalakad si Hesus, may nakita siyang isang lalaki. Ang lalaking ito ay ipinanganak na bulag. Tinanong si Hesus ng mga alagad niya, “Guro, sino po ba ang nagkasala at ipinanganak siyang bulag? Siya po ba o ang mga magulang niya?” Sumagot si Hesus, “Hindi dahil sa kasalanan niya o ng mga magulang niya kaya ipinanganak siyang bulag. Nangyari ito upang maipakita ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya. Dapat na nating gawin ang mga ipinapagawa ng Diyos na siyang nagsugo sa akin habang araw pa, dahil pagsapit ng gabi ay wala nang makakapagtrabaho. Habang akoʼy nasa mundo, ako ang ilaw ng mundo.” Pagkasabi niya nito, dumura siya sa lupa, gumawa ng putik mula sa dura at ipinahid niya sa mata ng bulag. Sinabi ni Hesus sa bulag, “Pumunta ka sa paliguan ng Shiloam at maghilamos ka roon.” (Ang ibig sabihin ng Siloam ay “Sinugo”.) Pumunta nga roon ang bulag at naghilamos. Nang bumalik siya ay nakakakita na siya. Dahil dito, nagtanungan ang mga kapitbahay niya at ang iba pang mga nakakita sa kanya noong namamalimos pa siya. Sinabi nila, “Hindi baʼt siya ang dating nakaupo at namamalimos?” Sinabi ng iba, “Siya nga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Hindi, kamukha lang niya iyon.” Kaya ang lalaki na mismo ang nagsabi, “Ako nga iyon.” “Paano ka nakakita?” tanong nila. Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Hesus ay gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mga mata ko at sinabi, ‘Pumunta ka sa paliguan ng Siloam at maghilamos.’ Kaya pumunta ako roon at naghilamos, at pagkatapos ay nakakita na ako.” Nagtanong ang mga tao, “Nasaan na siya?” Sumagot ang lalaki, “Hindi ko alam.” Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw noon ng Pamamahinga nang gumawa si Hesus ng putik at pinagaling ang bulag. Kaya tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. At sinabi ng lalaki, “Nilagyan niya ng putik ang mga mata ko. Naghilamos ako, at pagkatapos ay nakakita na ako.” Sinabi ng ilang Pariseo, “Hindi mula sa Diyos ang taong gumawa nito, dahil hindi niya sinusunod ang utos tungkol sa Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Kung makasalanan siya, paano siya nakakagawa ng ganitong himala?” Hindi magkasundo ang mga opinyon nila tungkol kay Hesus. Kaya tinanong ulit ng mga Pariseo ang dating bulag, “Ano ang masasabi mo tungkol sa kanya, dahil pinagaling ka niya?” Sumagot ang lalaki, “Isa po siyang propeta.”

Kaugnay na Video