Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 8:31-51

Juan 8:31-51 ASD

Sinabi ni Hesus sa mga Hudyong sumampalataya sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aral ko, totoo ngang mga alagad ko kayo. Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Sumagot sila kay Hesus, “Nagmula kami sa lahi ni Abraham, at kailanmaʼy hindi kami naging alipin ng kahit sino. Bakit sinabi mong palalayain kami?” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. Ang alipin ay hindi kabilang sa isang pamilya sa habang panahon, ngunit ang anak ay kabilang magpakailanman. Kaya kung ang Anak ang magpapalaya sa inyo, talagang magiging malaya kayo. Alam kong galing kayo sa lahi ni Abraham, ngunit tinatangka ninyo akong patayin dahil ayaw ninyong tanggapin ang mga itinuturo ko. Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na nakita ko sa aking Ama, ngunit ang ginagawa ninyo ay ang mga narinig ninyo sa inyong ama.” Sinabi ng mga tao, “Si Abraham ang aming ama!” Sumagot si Hesus, “Kung totoong mga anak kayo ni Abraham, tinutularan sana ninyo ang mabubuting gawa niya. Ngunit tinatangka ninyo akong patayin, kahit sinasabi ko lang sa inyo ang mga katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Hindi ginawa ni Abraham ang mga ginagawa ninyo. Ang mga ginagawa nʼyo ay katulad ng ginagawa ng inyong ama.” Sumagot sila kay Hesus, “Hindi kami mga anak sa labas. Ang Diyos ang aming Ama.” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kung ang Diyos nga ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako, dahil nanggaling ako sa Diyos. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi sinugo ako ng Diyos. Hindi nʼyo maintindihan ang sinasabi ko dahil hindi nʼyo matanggap ang aral ko. Ang diyablo ang inyong ama. At kung ano ang gusto niya, iyon ang ginagawa ninyo. Siyaʼy mamamatay-tao mula pa sa simula, at ayaw niya ng katotohanan dahil walang katotohanan sa kanya. Likas sa kanya ang pagsisinungaling dahil sinungaling siya, at siya ang ama ng kasinungalingan. Ngunit ako, pawang katotohanan ang mga sinasabi ko, at ito ang dahilan kung bakit ayaw ninyong maniwala. Sino sa inyo ang makapagpapatunay na nakagawa ako ng kasalanan? At kung katotohanan ang sinasabi ko, bakit ayaw nʼyo akong paniwalaan? Ang mga anak ng Diyos ay nakikinig sa salita ng Diyos. Ngunit hindi kayo nakikinig dahil hindi kayo mga anak ng Diyos.” Sinabi ng mga pinuno ng mga Hudyo kay Hesus, “Tama nga ang sinabi naming isa kang Samaritano at sinasapian ng demonyo.” Sumagot si Hesus, “Hindi ako sinasapian ng demonyo. Ngunit ako, pinararangalan ko ang aking Ama. Kayo ang hindi nagpaparangal sa kanya dahil hindi ninyo ako pinararangalan. Hindi ko hangad na akoʼy parangalan; ngunit may naghahangad na parangalan ako at siya ang karapat-dapat humatol. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang sumusunod sa mga aral ko ay hindi mamamatay kailanman.”