Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 13:1-16

Juan 13:1-16 ASD

Bisperas noon ng Pista ng Paglampas ng Anghel, alam ni Hesus na dumating na ang panahon ng pag-alis niya sa mundong ito upang bumalik sa Ama. Mahal na mahal niya ang kanyang mga alagad dito sa mundo, at ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa kanila hanggang sa katapusan. Nang gabing iyon, naghapunan si Hesus kasama ang kanyang mga alagad. Inudyukan na ni diyablo si Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo niya si Hesus. Alam ni Hesus na ipinasailalim ng Ama sa kanyang kapangyarihan ang lahat. At alam din niyang galing siya sa Diyos at babalik din sa Diyos. Tumayo si Hesus habang naghahapunan sila. Hinubad niya ang kanyang panlabas na kasuotan at nagbigkis ng tuwalya sa baywang niya. Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa isang palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad niya at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito, “Panginoon, huhugasan nʼyo po ba ang mga paa ko?” Sumagot si Hesus, “Hindi mo naiintindihan ang ginagawa ko ngayon, ngunit maiintindihan mo rin sa bandang huli.” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi po ninyo kailanman huhugasan ang aking mga paa.” Sumagot si Hesus, “Hanggaʼt hindi ko hinuhugasan ang paa mo, wala kang kaugnayan sa akin.” Kaya sinabi ni Simon Pedro, “Kung ganoon Panginoon, hindi lang po ang mga paa ko ang hugasan ninyo kundi pati na rin ang mga kamay at ulo ko!” Ngunit sinabi ni Hesus sa kanya, “Ang taong nakapaligo na ay kailangan lamang maghugas ng paa, sapagkat malinis na ang kanyang buong katawan. Malinis na kayo, ngunit hindi kayong lahat.” Sinabi ni Hesus na hindi lahat ay malinis dahil alam niya kung sino ang magkakanulo sa kanya. Nang mahugasan na ni Hesus ang mga paa nila, muli niyang isinuot ang kanyang panlabas na kasuotan at bumalik sa hapag-kainan. Pagkatapos, tinanong niya sila, “Naiintindihan nʼyo ba ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag nʼyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon’, at tama kayo dahil iyan nga ang totoo. Kung ako na Guro at Panginoon ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat ay ganoon din ang gawin ninyo sa isaʼt isa. Ginawa ko ito bilang halimbawa na dapat ninyong tularan. Kaya gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang aliping higit sa kanyang amo; at wala ring isinugo na higit sa nagsugo sa kanya.