Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Hebreo 6:4-12

Mga Hebreo 6:4-12 ASD

Sapagkat hindi na muling mapapagsisi at mapapanumbalik sa Diyos ang mga tumalikod sa kanilang pananampalataya. Nooʼy naliwanagan na ang kanilang isip, naranasan nila ang mga biyaya mula sa langit, at silaʼy naging bahagi ng mga tumanggap sa Banal na Espiritu. Naranasan rin nila ang kabutihang dulot ng salita ng Diyos, at nadama ang kapangyarihang ihahayag sa huling araw. Ngunit sa kabila nitoʼy tinalikuran nila ang Diyos. Ang mga ganyang tao ay imposible nang makapagsisi pa at tumalikod sa kanilang mga kasalanan; sapagkat sa pagtalikod nila sa Diyos ay para na rin nilang ipinakong muli ang Anak ng Diyos sa krus at inilagay sa kahihiyan. Tulad tayo ng lupang pinagpapala ng Diyos, na matapos tumanggap ng masaganang ulan ay tinutubuan ng mga halamang pakikinabangan ng magsasaka. Ngunit kung matitinik na mga halaman lang ang tumutubo roon, maituturing na wala itong pakinabang, at nararapat lamang na pabayaan ng magsasaka at bandang huli ay susunugin. Mga minamahal, kahit na ganito ang sinasabi namin, naniniwala kaming nasa mas mabuti kayong kalagayan tungkol sa inyong kaligtasan. Makatarungan ang Diyos, at hindi niya magagawang kalimutan ang inyong gawa at ang pagmamahal na ipinakita ninyo sa kanya at patuloy na ipinapakita sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapwa hinirang ng Diyos. Nais naming patuloy na maging masigasig ang bawat isa sa inyo sa pag-asa ninyo sa Diyos hanggang sa wakas, upang makamtan ninyo ang inyong inaasam. Huwag kayong maging tamad, sa halip, tularan nʼyo ang mga taong tumatanggap ng mga ipinangako ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya nila at pagtitiis.