Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Hebreo 12:1-25

Mga Hebreo 12:1-25 ASD

Samakatuwid, dahil napapaligiran tayo ng maraming tao na nagpapatotoo tungkol sa pananampalataya nila sa Diyos, talikuran na natin ang kasalanang pumipigil sa atin at alisin ang anumang hadlang sa pagtakbo natin. Buong tiyaga tayong magpatuloy sa takbuhing itinakda ng Diyos para sa atin. Ituon natin ang ating paningin kay Hesus na siyang sandigan ng ating pananampalataya mula sa simula hanggang sa katapusan. Tiniis niya ang paghihirap sa krus at hindi niya ito ikinahiya, dahil inisip niya ang kaligayahang naghihintay sa kanya. At ngayon nga ay nakaupo na siya sa kanan ng trono ng Diyos. Isipin nʼyo ang mga tiniis ni Hesus na paghihirap sa kamay ng mga makasalanang tao, upang hindi kayo panghinaan ng loob. Kung tutuusin, wala pa namang pinapatay sa inyo dahil sa pakikipaglaban sa kasalanan. Baka nakalimutan nʼyo na ang pangaral ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya: “Anak, huwag mong isawalang-bahala ang pagtutuwid ng Panginoon, at huwag kang panghinaan ng loob kapag sinasaway ka niya. Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang mga minamahal niya, at pinapalo ang mga itinuturing niyang anak.” Tiisin nʼyo ang lahat ng paghihirap bilang pagdidisiplina ng Diyos sa inyo dahil itinuturing niya kayong mga anak. Sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng ama? Kung hindi kayo dinidisiplina ng Diyos gaya ng pagdidisiplina niya sa lahat ng anak niya, hindi kayo mga tunay na anak kundi mga anak sa labas. Kahit ang mga ama natin dito sa lupa ay dinidisiplina tayo, at sa kabila nito, iginagalang natin sila. Kaya lalong dapat tayong magpasakop sa pagdidisiplina ng ating Ama na nasa langit, upang maging mabuti ang pamumuhay natin. Sa maikling panahon, dinidisiplina tayo ng mga ama natin dito sa lupa ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit ang pagdidisiplina ng Diyos ay laging para sa ikabubuti natin upang maging banal tayong gaya niya. Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit sa bandang huli, magbubunga ito ng mapayapa at matuwid na pamumuhay. Kaya palakasin ninyo ang inyong sarili at patibayin ang inyong loob. Tuwirin ninyo ang landas na dadaanan ninyo upang ang mga kapatid na sumusunod sa inyo, na parang napilayan ang pananampalataya, ay hindi matisod kundi lumakas. Pagsikapan ninyong mamuhay nang may mabuting relasyon sa lahat ng tao, at magpakabanal kayo. Sapagkat kung hindi banal ang pamumuhay nʼyo, hindi nʼyo makikita ang Panginoon. Ingatan ninyo na walang sinuman sa inyo ang tatalikod sa biyaya ng Diyos. At huwag ninyong hayaang umiral ang samaan ng loob sa inyo at marami ang madamay. Ingatan din ninyo na walang sinuman sa inyo ang gagawa ng seksuwal na imoralidad o mamumuhay nang gaya ni Esau, na hindi pinahalagahan ang mga espirituwal na bagay, dahil ipinagpalit niya ang karapatan niya bilang panganay sa isang kainan. At alam nʼyo na rin na pagkatapos ay hiningi ni Esau sa kanyang ama ang pagpapalang nauukol sa panganay, pero tinanggihan siya. Sapagkat hindi na mababago ang ginawa niya anumang pagsisikap at pag-iyak ang gawin niya. Ang paglapit nʼyo sa Diyos ay hindi katulad ng paglapit ng mga Israelita noon. Lumapit sila sa isang bundok na nakikita nila, ang Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, may kadiliman at malakas na hangin. Nakarinig din sila ng tunog ng trumpeta at boses ng nagsasalita. At nang marinig nila ang boses na iyon, nagmakaawa silang huwag na itong magsalita pa sa kanila dahil hindi nila makayanan ang utos na ito: “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.” Tunay na kakila-kilabot ang tanawing iyon, kaya maging si Moises ay nagsabi, “Nanginginig ako sa takot!” Hindi ganito ang paglapit nʼyo sa Diyos, dahil ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem na nasa langit na may libu-libong anghel na nagtitipon nang may kagalakan. Lumapit kayo sa pagtitipon ng mga itinuturing na mga panganay ng Diyos, na ang mga pangalan nila ay nakasulat sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na siyang hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong itinuring na matuwid ng Diyos at ginawa na niyang ganap. Lumapit kayo kay Hesus na siyang tagapamagitan natin sa Diyos sa bagong kasunduan. Ang kasunduang itoʼy pinagtibay ng kanyang dugo na higit na mabuti kaysa sa dugo ni Abel na humihingi ng katarungan. Kaya mag-ingat kayo at huwag tanggihan ang Diyos na nagsasalita sa atin. Ang mga tao noon na hindi nakinig sa mga propeta rito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa. Paano kaya tayo makakaligtas kung hindi natin pakikinggan ang nagsasalita mula sa langit?

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Hebreo 12:1-25