Ang pananampalataya ay ang katiyakang matatanggap natin ang mga bagay na ating inaasahan. At ito ay ang pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita. Dahil sa kanilang pananampalataya, ang mga ninuno natin ay kinalugdan ng Diyos.
Dahil sa pananampalataya, alam natin na ang sanlibutan ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Kaya ang mga bagay na nakikita natin ay galing sa mga hindi nakikita.
Dahil sa pananampalataya, nag-alay si Abel ng mas mabuting handog kaysa kay Cain. At dahil sa pananampalataya niya, itinuring siyang matuwid ng Diyos, dahil tinanggap ng Diyos ang handog niya. Kaya kahit patay na si Abel, may itinuturo pa rin siya sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya niya.
Dahil sa pananampalataya, dinala sa langit si Enoc kaya hindi niya naranasang mamatay. “Siyaʼy naglaho dahil kinuha siya ng Diyos.” Bago siya kinuha, sinasabi ng Kasulatan na nalugod ang Diyos sa kanya. Kung walang pananampalataya, walang sinuman ang makapagbibigay-lugod sa Diyos, sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat maniwalang may Diyos at binibigyan niya ng gantimpala ang mga taong humahanap sa kanya.
Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari kahit hindi pa niya nakikita. Kaya gumawa siya ng isang barko para mailigtas niya ang kanyang sarili at ang pamilya niya. At sa pananampalataya niya, hinatulan ang mga tao sa mundo, pero itinuring siyang matuwid ng Diyos.
Dahil sa pananampalataya, sinunod ni Abraham ang utos ng Diyos na pumunta sa lugar na ipinangako sa kanya. Umalis siya sa bayan niya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Dahil din sa pananampalataya, nanirahan si Abraham sa lupaing ipinangako sa kanya ng Diyos kahit na sa tolda lang siya tumira na parang isang dayuhan. Tumira rin sa tolda ang anak niyang si Isaac at apong si Jacob, na mga tagapagmana rin ng pangako ng Diyos. Sapagkat ang talagang inaasahan ni Abraham ay isang lungsod na may matibay na pundasyon, na ang Diyos mismo ang nagplano at nagtayo.
Dahil sa pananampalataya, nagkaroon ng kakayahan si Sara na magkaanak, kahit na baog siya at matanda na, dahil nanalig siya na tutuparin ng Diyos ang pangako niya. Kaya mula kay Abraham, na parang patay na dahil matanda na siya, nagmula ang isang lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.
Ang lahat ng taong itoʼy namatay na sumasampalataya. Hindi man nila natanggap ang mga pangako ng Diyos noong nabubuhay pa sila, natitiyak naman nilang darating ang araw na matatanggap nila ang kanilang hinihintay. Itinuring nilang mga dayuhan ang sarili nila at naninirahan lang sa mundong ito. Ang mga taong may ganitong pananaw ay nagpapahiwatig na naghahanap sila ng sariling bayan. Kung ang bayang iniwan nila ang iniisip nila, may pagkakataon pa silang makabalik. Ngunit ang hinahangad nila ay isang mas mainam na bayan, at itoʼy isang lungsod na nasa langit. Kaya hindi ikinakahiya ng Diyos na siyaʼy tawagin nilang Diyos, dahil ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.
Dahil sa pananampalataya, handang ihandog ni Abraham ang kaisa-isa niyang anak na si Isaac nang subukin siya ng Diyos. Kahit na alam niyang si Isaac ang ipinangako ng Diyos na pagmumulan ng kanyang lahi, handa pa rin niya itong ialay. Sapagkat nanalig si Abraham na kung mamamatay si Isaac, muli siyang bubuhayin ng Diyos. At ganoon nga ang nangyari; parang bumalik sa kanya si Isaac mula sa kamatayan.
Dahil sa pananampalataya ni Isaac, binasbasan niya sina Jacob at Esau kaugnay sa kanilang kinabukasan.
Dahil sa pananampalataya ni Jacob, binasbasan niya ang mga anak ni Jose bago siya namatay. At sumamba siya sa Diyos habang nakatukod sa kanyang tungkod.
Dahil sa pananampalataya ni Jose, sinabi niya noong malapit na siyang mamatay na aalis ang mga Israelita sa Ehipto, at ipinagbilin niyang dalhin nila ang mga buto niya kapag umalis na sila.
Dahil sa pananampalataya, hindi natakot sumuway ang mga magulang ni Moises sa utos ng hari. Sapagkat nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.
Dahil sa pananampalataya, nang malaki na si Moises ay tumanggi siyang tawaging anak ng prinsesang anak ng Faraon. Mas ginusto niyang makibahagi sa paghihirap na dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa lasapin ang mga panandaliang kaligayahan na dulot ng kasalanan.