Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 49

49
Binasbasan ni Jacob ang Kanyang mga Anak
1Pagkatapos, tinawag ni Jacob ang mga anak niyang lalaki, at sinabi, “Lumapit kayo rito at sasabihin ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa darating na panahon.
2Lumapit kayo, mga anak ni Jacob;
makinig kayo sa inyong amang si Israel.
3“Ikaw, Ruben, na aking panganay,
ang aking lakas at bunga ng aking pagkalalaki.
Nangunguna ka sa karangalan
at nangunguna rin sa kapangyarihan.
4Maligalig kang gaya ng tubig
at hindi ka mapigilan
kaya hindi na ikaw ang nasa unahan.
Sapagkat dinumihan mo ang aking higaan
at ang aking dangal ay iyong dinungisan.
5“Sina Simeon at Levi ay magkakampi,#49:5 magkakampi: Sa literal, magkapatid.
ang mga espada nilaʼy sandata ng kalupitan.
6Hindi ako sasáma ni dadalo
sa pagtitipon nila
sapagkat sa kanilang galit
ay pumapatay sila ng mga tao
at pinipilayan nila ang mga toro
kapag gusto nila.
7Sinusumpa ko ang kanilang galit,
dahil itoʼy malupit,
at ang kanilang poot,
dahil itoʼy mabagsik.
Ikakalat ko sila sa angkan ni Jacob,
at magkakawatak-watak sila sa buong Israel.
8“Ikaw Juda, pupurihin ka ng iyong mga kapatid.
Ang iyong mga kaaway ay hahawakan mo sa leeg.
Ang mga anak ng iyong amaʼy yuyuko saʼyo.
9Juda, aking anak,
katulad ka ng isang batang leon
na katatapos lang lumapa ng kanyang pagkain.
Katulad si Juda ng leong gumagapang at humihiga,
gaya ng babaeng leon
na walang nagtatangkang gumambala.
10Ang setro ng hari
ay hindi mawawala kay Juda;
at ang tungkod ng pamamahala
ay mananatili sa lahi niya
hanggang sa dumating ang karapat-dapat mamuno
at susunod sa kanya ang lahat ng bansa.
11Itatali niya ang kanyang asno
at guya sa pinakamagandang puno ng ubas,
at lalabhan niya sa alak ang kanyang mga damit
12Mas mapula pa kaysa sa alak
ang kanyang mga mata
at mas maputi kaysa sa gatas
ang mga ngipin niya.
13“Si Zebulun ay maninirahan sa tabi ng dagat.
Magiging daungan siya
ng mga sasakyang pandagat.
Ang lupain niya ay aabot hanggang Sidon.
14“Si Isacar ay katulad ng malakas na asno
na nakahiga sa kulungan ng mga tupa.#49:14 kulungan … tupa: O gitna ng dalawang karga.
15Nang makita niyang masagana
at mainam ang kanyang lupain
titiisin na lang niyang magpaalipin,
kahit pa siyaʼy sapilitang pagtatrabahuhin.
16“Si Dan ang magdadala ng katarungan sa kanyang bayan
bilang isa sa mga angkan ni Israel.
17Siyaʼy magiging isang ahas sa tabi ng daan,
isang mabagsik na ulupong na nasa daanan,
na tumutuklaw sa paa ng kabayong dumaraan
upang mahulog ang ditoʼy nakasakay.
18“O Panginoon, naghihintay po ako sa inyong pagliligtas.
19“Si Gad ay lulusubin ng grupo ng mga tulisan,
ngunit gaganti siyaʼt lulusubin din sila.
20“Si Asher ay magiging sagana sa pagkain,
at magbibigay ng mga pagkaing angkop sa hari.
21“Si Neftali ay tulad ng pinakawalang usa
na manganganak ng mga supling na magaganda.
22“Si Jose ay tulad ng mabungang sanga,
tulad ng mabungang baging sa tabi ng bukal
na gumagapang paakyat sa pader.#49:22 Si Jose … pader: O Si Jose ay tulad ng mailap na asno sa tabi ng bukal, isang mailap na asno sa burol.
23Kaiinisan siya ng mga mamamana.
Sa kanilang galit siyaʼy papanain nila.
24Ngunit matatag pa rin ang kanyang pana,
nanatiling matibay ang kamay niya,
dahil sa tulong ng Makapangyarihang Diyos ni Jacob,
ang Pastol at ang Batong kanlungan ng Israel.
25Ang Diyos ng iyong ama
ang siyang tutulong sa iyo.
Ang Diyos na Makapangyarihan ang magpapala sa iyo
ng ulan mula sa langit
at tubig mula sa kailaliman ng lupa.
Pagpapalain ka rin niya ng maraming anak at hayop.
26Ang pagpapala ng iyong ama ay higit pa
sa pagpapala ng mga bundok noong sinauna,
o sa mga yamang mula sa burol na matatanda na.
Nawaʼy manatili itong lahat sa ulo ni Jose
na siyang nakahihigit sa magkakapatid.
27“Si Benjamin ay tulad ng isang lobong gutom na gutom;
sa umagaʼy nilalapa ang kanyang nahuli
at sa gabi namaʼy ang mga nasamsam ay pinaghahatian.”
28Sila ang labindalawang anak ni Jacob na pinanggalingan ng mga lahi ng Israel. At iyon ang huling habilin ni Jacob sa bawat isa sa kanila. Biniyayaan niya ang bawat isa ng basbas na angkop sa kanila.
Ang Pagkamatay ni Jacob
29Pagkatapos, binilinan ni Jacob ang mga anak niya. Sinabi niya, “Ngayon, sandali na lang at makakasama ko na sa kabilang buhay ang aking mga ninuno. Ilibing nʼyo ako sa libingan ng aking mga magulang, doon sa kuweba na nasa bukid ni Efron na Heteo. 30Ang kuwebang iyon ay nasa bukid ng Macpela, sa silangan ng Mamre na sakop ng Canaan. Binili ng lolo kong si Abraham ang bukid na iyon kay Efron na Heteo upang gawing libingan. 31Doon siya inilibing pati ang lola kong si Sara at ang mga magulang kong sina Isaac at Rebeca, at doon ko rin inilibing si Lea. 32Ang bukid at ang kuweba nito ay binili sa mga Heteo.”
33Pagkatapos magbilin ni Jacob sa kanyang mga anak, siya ay nahiga at nalagutan ng hininga. At isinama siya sa kanyang mga ninuno na sumakabilang buhay na.

Kasalukuyang Napili:

Genesis 49: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in