Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Galacia 4:6-24

Mga Taga-Galacia 4:6-24 ASD

At dahil mga anak na tayo ngayon ng Diyos, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating puso, kaya makakatawag na tayo sa kanya ng “Ama”. Ngayon, hindi na tayo mga alipin kundi mga anak. At kung mga anak tayo ng Diyos, tagapagmana rin tayo ng mga pangako niya. Noong hindi pa ninyo kilala ang Diyos, naging alipin kayo ng mga diyos-diyosan. Ngunit ngayong kilala nʼyo na ang Diyos (o mas mabuting sabihin na kinilala kayo ng Diyos bilang mga anak) bakit bumabalik pa kayo sa walang bisa at mga walang kuwentang panuntunan? Bakit gusto ninyong magpaaliping muli sa mga ito? May pinapahalagahan pa kayong mga araw, buwan, panahon at mga taon! Nag-aalala ako na baka nasayang lang ang lahat ng pagsisikap ko sa inyo. Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, na tularan ninyo ako, dahil akoʼy naging kagaya ninyong mga Hentil kahit akoʼy isang Hudyo. Wala kayong kasalanan sa akin. Alam naman ninyo na ang pagkakasakit ko ang naging dahilan kaya ko naipangaral sa inyo ang Magandang Balita sa unang pagkakataon. Kahit naging pabigat sa inyo ang sakit ko, hindi nʼyo ako hinamak o itinakwil. Sa halip, tinanggap nʼyo pa nga ako na parang isang anghel ng Diyos o parang ako na mismo si Kristo Hesus. Napakasaya natin noon. Ano ang nangyari? Ako mismo ang makakapagpatunay na kung maaari lang noon ay dinukot na ninyo ang inyong mga mata para ibigay sa akin. Naging kaaway na ba ninyo ako dahil sinasabi ko ang katotohanan? May mga tao diyan na nagpapakita ng pagmamalasakit sa inyo, pero hindi mabuti ang hangarin nila. Gusto lang nila akong siraan, upang sila ang sundin ninyo. Hindi masamang magpakita sila ng pagmamalasakit kahit wala ako sa piling nʼyo, bastaʼt mabuti lang ang hangarin nila. Minamahal kong mga anak, hanggaʼt hindi nakikita sa inyo ang buhay ni Kristo, maghihirap akong parang isang babaeng nanganganak. Kung maaari lang sana, makapunta na ako diyan at makausap kayo nang maayos dahil nag-aalala ako ng labis sa inyo! Ngayon, sabihin nga ninyo sa akin, kayong mga nais magpailalim sa Kautusan, hindi ba ninyo alam ang sinasabi sa Kautusan? Sinasabi roon na may dalawang anak si Abraham. Ang isaʼy anak niya sa isang aliping babae, at ang isa naman ay sa isang malaya. Ang kanyang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak, ngunit ang anak niya sa malayang babae ay ipinanganak ayon sa pangako ng Diyos. Maaari nating tingnan ang dalawang babaeng ito bilang isang paghahalintulad. Kumakatawan sila sa dalawang kasunduan. Si Hagar ay kumakatawan sa kasunduan na ibinigay ng Diyos kay Moises sa Bundok ng Sinai. Ipinanganak na mga alipin ang mga anak niya.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Taga-Galacia 4:6-24