Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Galacia 3:8-17

Mga Taga-Galacia 3:8-17 ASD

Noon pa man, sinasabi na sa Kasulatan na ituturing na matuwid ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya nila. At ang Magandang Balitang itoʼy ipinahayag ng Diyos kay Abraham nang sabihin niya, “Pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa pamamagitan mo.” Sumampalataya si Abraham sa Diyos at pinagpala siya. Kaya lahat ng sumasampalataya sa Diyos ay pinagpapala rin tulad ni Abraham. Ngunit ang lahat ng umaasang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ay isinumpa na ng Diyos. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Isinusumpa ang sinumang hindi sumusunod sa lahat ng nasusulat sa Aklat ng Kautusan.” Malinaw na walang taong ituturing na matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang taong itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa pananampalataya niya ay mabubuhay.” Ang Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya. Sa halip, sinasabi ng Kasulatan, “Ang sumusunod sa lahat ng sinasabi sa Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito.” Ngunit walang makakasunod sa lahat ng sinasabi sa Kautusan kaya dapat sana tayong maparusahan lahat. Ngunit ngayon, tinubos na tayo ni Kristo sa sumpa nito. Isinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Isinumpa ang bawat binibitay sa puno.” Ginawa ito ng Diyos upang ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham ay matanggap din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Kristo Hesus; at upang matanggap natin ang ipinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya. Mga kapatid, bibigyan ko kayo ng halimbawa. Hindi maaaring basta na lang ipawalang-bisa o dagdagan ang anumang kasunduang nalagdaan na. Ganoon din sa mga pangako ng Diyos. Nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang apo. Hindi niya sinabi, “sa iyong mga apo” na nangangahulugang marami, kundi “sa iyong apo” na ang ibig sabihin ay isa lamang, at itoʼy walang iba kundi si Kristo. Ito ang ibig kong sabihin: May kasunduang ginawa ang Diyos kay Abraham, at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang pangakong ito ay ibinigay ng Diyos sa kanya 430 taon bago niya ibinigay ang Kautusan. Kaya ang pangakong iyon ay hindi mapapawalang-bisa ng Kautusan.