Mga Taga-Galacia 2:17-21
Mga Taga-Galacia 2:17-21 ASD
Ngayon, kung lumalabas na makasalanan pa rin kami dahil nagsusumikap kaming maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya namin kay Kristo, ibig bang sabihin nito na si Kristo ang nagdala sa amin sa kasalanan? Hindi! Ngunit kung babalikan ko naman ang pagsunod sa Kautusang tinalikuran ko na, ako na rin ang nagpapatunay na makasalanan ako. Sa katunayan, sa pamamagitan mismo ng Kautusan, nalaman ko na wala nang kapangyarihan ang Kautusan sa akin. Kaya malaya na akong mamuhay para sa Diyos. Namatay akong kasama ni Kristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili, kundi si Kristo na. Ang buhay ko ngayon ay ayon na sa aking pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at nag-alay ng buhay niya para sa akin. Hindi ko binabalewala ang biyaya ng Diyos, dahil kung maituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng Kautusan, walang saysay ang pagkamatay ni Kristo!


