Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ezra 4

4
Sinalungat ang Muling Pagpapatayo ng Templo
1Nabalitaan ng mga kaaway ng mga taga-Juda at taga-Benjamin na muling ipinapatayo ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang Templo ng Panginoon, ang Diyos ng Israel. 2Kaya pumunta sila kay Zerubabel at sa mga pinuno ng mga pamilya, at nagsabi, “Tutulungan namin kayo sa pagpapatayo ng Templo dahil sinasamba rin namin ang Diyos nʼyo kagaya ng ginagawa ninyo. Matagal na kaming naghahandog sa kanya, mula pa noong panahon ni Haring Esarhadon ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.”
3Ngunit ito ang sagot nina Zerubabel, Jeshua, at ng mga pinuno ng mga pamilya: “Inutusan kami ni Haring Ciro ng Persia na muling ipatayo ang Templo. Ngunit hindi kayo kasama sa pagpapatayo nito para sa aming Diyos. Kami lang ang magpapatayo nito para sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.”
4Kaya pinahina ang loob at tinakot ng mga taong dati nang nakatira sa lupaing iyon ang mga tao sa Juda upang hindi nila maipagpatuloy ang kanilang trabaho. 5Sinuhulan nila ang ilang mga opisyal ng gobyerno ng Persia para salungatin at sirain ang mga plano ng mga tao sa Juda. Patuloy nila itong ginagawa sa panahong si Ciro ang hari ng Persia hanggang sa panahong si Dario na ang hari ng Persia.
Sinalungat ang Muling Pagpapatayo ng Jerusalem
6Nang maging hari si Asuero,#4:6 Asuero: Sa Hebreo, Ahasuerus. ang mga kalaban ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng iba pang mga nakatira sa Juda ay sumulat ng mga paratang laban sa kanila.
7At kahit na noong si Artaherhes na ang hari ng Persia, sumulat din sila sa kanya. Sila ay sina Bislam, Mitredat, Tabeel, at ang iba pa nilang mga kasama. Isinulat nila ito sa wikang Arameo at isinalin sa wika ng mga taga-Persia.
8Sumulat din kay Haring Artaherhes si Rehum na gobernador at si Simsai na kalihim laban sa mga taga-Jerusalem. Ganito ang sinabi nila:
9Mula kay Rehum na gobernador, Simsai na kalihim, at iba pa nilang kasamahang mga hukom, pinuno, at opisyal, mga taga-Persia, Erec, Babilonia, at mga mamamayan ng Susa na mga Elamita, 10kasama ng mga ibang bansang pinaalis at inilipat ng tanyag at makapangyarihang si Asurbanipal sa lungsod ng Samaria at sa ibang mga lugar sa kanluran ng Ilog Eufrates.
11Ito ang nilalaman ng kanilang sulat:
Mahal na Haring Artaherhes,
Mula sa inyong mga lingkod dito sa lalawigan ng kanluran ng Ilog Eufrates:
12“Mahal na Hari, gusto po naming malaman ninyo na muling ipinapatayo ng mga Hudyo ang lungsod ng Jerusalem. Ang mamamayan nito ay masasama at rebelde. Dumating ang mga ito sa lungsod mula sa mga lugar na inyong nasasakupan. Inaayos na nga nila ang mga pader pati na po ang mga pundasyon nito.#4:12 pati na po ang mga pundasyon nito: O at ang mga pundasyon ng lungsod.
13“Mahal na Hari, kapag muli pong naipatayo ang lungsod na ito at naayos na ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis at ng iba pang bayarin ang mga tao, at liliit na ang kita ng kaharian. 14Dahil nga po may tungkulin kami sa inyo, Mahal na Hari, at hindi namin gustong mapahiya kayo, ipinapaalam namin ito sa inyo 15para saliksikin po ninyo ang kasulatang itinago ng mga ninuno ninyo. Sa ganoong paraan, malalaman ninyo po na ang mga nakatira sa lungsod ng Jerusalem ay rebelde mula pa noon. Kaya nga nilipol ang lungsod na ito dahil naging problema ito ng mga hari at ng mga lugar na gustong sumakop dito. 16Ipinapaalam lang po namin sa inyo, Mahal na Hari, na kung muling maipatayo ang lungsod na ito at maiayos na ang mga pader nito, mawawala sa inyo ang lalawigan na nasa kanluran ng Eufrates.”
17Ito ang sagot na ipinadala ng hari:
“Kay Gobernador Rehum, kay Simsai na kalihim, at sa inyong mga kasama na nakatira sa Samaria at sa iba pang mga lugar sa kanluran ng Eufrates.
“Nawaʼy nasa mabuti kayong kalagayan.”
18“Ang sulat na inyong ipinadala ay isinalin sa wika namin at binasa sa akin. 19Nag-utos akong saliksikin ang mga kasulatan, at napatunayan na ang mga dating naninirahan sa Jerusalem ay naghihimagsik nga laban sa mga hari. Nakasanayan na nga ng lugar na iyan ang pagrerebelde at pagsalungat sa pamahalaan. 20Ang Jerusalem ay pinamahalaan at pinagbayad ng buwis at ng iba pang bayarin ng mga makapangyarihang hari, na namuno sa buong lalawigan sa kanluran ng Ilog Eufrates. 21Ngayon, ipag-utos nʼyong itigil ng mga taong iyan ang muling pagpapatayo ng lungsod hanggaʼt hindi ko iniuutos. 22Gawin nʼyo agad ito upang hindi mapahamak ang aking kaharian.”
23Pagkatapos basahin kina Rehum, Simsai, at sa mga kasama nila ang liham ni Haring Artaherhes, pumunta agad sila sa Jerusalem at pinilit ang mga Hudyo na itigil ang muling pagpapatayo ng lungsod.
24Kaya natigil ang pagpapatayo ng bahay ng Diyos sa Jerusalem hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario sa Persia.

Kasalukuyang Napili:

Ezra 4: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in