Ezra 1
1
Pinabalik ni Haring Ciro ang mga Hudyo sa Kanilang Lupain
(2~Cro. 36:22‑23)
1Noong unang taon ng paghahari ni Ciro sa Persia, tinupad ng Panginoon ang kanyang sinabi sa pamamagitan ni Jeremias#1:1 tinupad … Jeremias: Para mangyari na mapalaya ang mga Israelita sa pagkabihag sa Babilonia paglipas ng 70 taon (tingnan sa Jer. 25:11 at 29:10).. Hinipo niya ang puso ni Ciro upang gumawa ng isang pahayag. Isinulat ito at ipinadala sa buo niyang kaharian.
2“Ito ang mensahe ni Haring Ciro ng Persia:
“Ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Diyos ng langit, ang lahat ng kaharian dito sa mundo, at ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapatayo ng templo para sa kanya roon sa Jerusalem na sakop ng Juda. 3Kayong lahat na mamamayan ng Diyos, bumalik na kayo sa Jerusalem at muli ninyong ipatayo roon ang Templo ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na nakatira sa lungsod na iyon. At samahan niya sana kayo. 4Ang mga natitirang tao sa mga lugar na tinitirhan nʼyong mga Israelita ay dapat tumulong sa inyong paglalakbay. Magbibigay sila ng mga pilak at ginto, mga kakailanganing bagay, mga hayop, at pagtulong na kusang-loob para sa Templo ng Diyos sa Jerusalem.”
5May mga Israelitang hinipo ng Panginoon upang bumalik sa Jerusalem. Kaya naghanda silang pumunta roon upang ipatayo ang bahay ng Panginoon. Kasama sa kanila ang mga pinuno ng mga pamilyang mula sa mga lahi ni Juda at ni Benjamin, pati ang mga pari, at ang mga Levita. 6Ang ibang mga tao ay tumulong sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gamit na gawa sa pilak at ginto, mga kakailanganing bagay, mga hayop, iba pang mga mamahaling bagay, at handog na kusang-loob para sa Templo.
7Ibinalik din sa kanila ni Haring Ciro ang mga gamit sa Templo ng Panginoon na kinuha ni Haring Nebucadnezar sa Jerusalem at inilagay sa templo ng mga diyos-diyosan niya. 8Ipinagkatiwala ito ni Haring Ciro kay Mitredat na ingat-yaman ng kaharian niya. Binilang ito ni Mitredat at ibinigay ang listahan kay Sesbazar, ang gobernador ng Juda.
9Ito ang bilang ng mga gamit:
gintong bandehado 30
pilak na bandehado 1,000
pilak na kagamitan 29
10gintong mangkok 30
pilak na mangkok 410
iba pang mga gamit 1,000
11Sa kabuuan, may 5,400 gamit na ginto at pilak.
Dinala lahat ito ni Sesbazar nang bumalik siya sa Jerusalem mula sa Babilonia kasama ng ibang mga bihag.
Kasalukuyang Napili:
Ezra 1: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.