2 Mga Cronica 36
36
1Ang anak ni Josias na si Jehoahaz ang ipinalit ng mga tao na hari sa Jerusalem. 2Si Jehoahaz ay dalawampuʼt tatlong taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng tatlong buwan. 3Tinanggal siya sa kanyang trono ni Haring Neco ng Ehipto, at pinagbayad ni Neco ang mga taga-Juda ng buwis na 3,500 kilong pilak at tatlumpuʼt limang kilong ginto. 4Dinalang bihag ni Neco si Jehoahaz sa Ehipto, at ginawa niyang hari ng Juda at Jerusalem si Eliakim na kapatid ni Jehoahaz. Pinalitan niya ang pangalan ni Eliakim na Jehoiakim.
Ang Paghahari ni Jehoiakim sa Juda
(2~Hari 23:36–24:7)
5Si Jehoiakim ay dalawampuʼt limang taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon na kanyang Diyos. 6Nilusob siya ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at kinadenahan, at dinala sa Babilonia. 7Dinala rin ni Nebucadnezar sa Babilonia ang ibang mga kagamitan ng Templo ng Panginoon at inilagay sa kanyang palasyo.#36:7 palasyo: O Templo.
8Ang ibang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoiakim at ang mga kasuklam-suklam at masasamang bagay na ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. At ang anak niyang si Jehoiakin ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Jehoiakin sa Juda
(2~Hari 24:8‑17)
9Si Jehoiakin ay labingwalong taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng tatlong buwan at sampung araw. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 10Sa pagsisimula ng taon, binihag ni Haring Nebucadnezar si Jehoiakin sa Babilonia. Pinagkukuha niya ang mga mamahaling ari-arian sa Templo ng Panginoon, at ginawa niyang hari ng Juda at Jerusalem ang tiyuhin ni Jehoiakin na si Zedequias.
Ang Paghahari ni Zedequias sa Juda
(2~Hari 24:18‑20; Jer. 52:1‑3)
11Si Zedequias ay dalawampuʼt isang taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. 12Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon na kanyang Diyos at hindi siya nagpakumbaba kay Jeremias na propeta ng Panginoon. 13Nagrebelde rin siya kay Haring Nebucadnezar, kahit pinanumpa siya nito sa pangalan ng Diyos. Naging matigas ang puso ni Zedequias, at ayaw niyang manumbalik sa Panginoon, ang Diyos ng Israel. 14Gayon din ang lahat ng punong pari at ang mga mamamayan ay lalong hindi naging tapat. Sinunod nila ang kasuklam-suklam na mga ginagawa ng ibang mga bansa at dinungisan ang Templo ng Panginoon na itinalagang banal sa Jerusalem.
Ang Pagkawasak ng Jerusalem
(2~Hari 24:20b–25:21; Jer. 52:3b‑11)
15Palaging nakikipag-usap sa kanila ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, dahil naawa siya sa kanila at sa kanyang Templo. 16Ngunit hinamak nila ang mga propeta ng Diyos, pinagtawanan, at binalewala ang kanilang mga mensahe. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanila, at wala nang makakapigil sa kanya. 17Ipinalusob niya ang mga taga-Babilonia sa kanila. Pinatay ng mga taga-Babilonia ang kanilang mga kabataang lalaki kahit sa Templo. Wala silang awa kahit kaninuman, lalaki man o babae, bata man o matanda, sakitin man o hindi. Ipinaubaya ng Diyos ang lahat niyang mamamayan kay Nebucadnezar. 18Dinala ni Nebucadnezar sa Babilonia ang lahat ng kagamitan sa Templo ng Diyos, maliliit at malalaki, at ang lahat ng kayamanan ng Templo ng Panginoon, ng hari, at ng kanyang mga opisyal. 19Pagkatapos, sinunog nila ang Templo ng Diyos at tinibag ang pader ng Jerusalem. Sinunog din nila ang lahat ng matitibay na bahagi ng lungsod, at giniba ang lahat ng mamahaling bagay.
20Dinalang bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia ang mga Israelita na hindi namatay, at ang mga ito ay naging alipin niya at ng kanyang mga anak hanggang sa naging makapangyarihan ang kaharian ng Persia. 21Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias, na magiging mapanglaw ang lupain at makakapagpahinga ito sa loob ng pitumpung taon.
Hinayaan ni Ciro na Makabalik ang mga Israelita sa Kanilang Lupain
(Ezra 1:1‑4)
22Noong unang taon ng paghahari ni Ciro sa Persia, tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ni Jeremias. Hinipo niya ang puso ni Ciro upang gumawa ng isang pahayag. Isinulat ito at ipinadala sa kanyang buong kaharian.
23Ito ang mensahe ni Haring Ciro ng Persia:
“Ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Diyos ng langit, ang lahat ng kaharian dito sa mundo, at ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapatayo ng Templo para sa kanya roon sa Jerusalem na sakop ng Juda. Kayong lahat ng mamamayan ng Diyos, bumalik na kayo sa inyong lupain. At nawaʼy samahan kayo ng Panginoon.”
Kasalukuyang Napili:
2 Mga Cronica 36: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.