“Kaya sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako ang PANGINOON. Palalayain ko kayo sa pagkaalipin sa Ehipto. Sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, matinding parusa ang ibibigay ko sa mga Ehipsiyo, at ililigtas ko kayo sa pagkaalipin. Ituturing ko kayong aking mga mamamayan at akoʼy magiging Diyos ninyo. At malalaman ninyo na ako ang PANGINOON na inyong Diyos na nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Ehipto. Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako kong ibibigay kina Abraham, Isaac, at Jacob. Ibibigay ko ito sa inyo bilang pag-aari ninyo. Ako ang PANGINOON.’ ”
Sinabi ito ni Moises sa mga Israelita pero hindi sila naniwala sa kanya dahil nawalan na sila ng pag-asa sa sobrang pagpapahirap sa kanila bilang mga alipin.
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Lumakad ka at sabihin sa Faraon na hari ng Ehipto na payagan na niyang umalis ang mga Israelita sa bayan niya.”
Ngunit sinabi ni Moises sa PANGINOON, “Kung ang mga Israelita nga poʼy hindi nakikinig sa akin, ang Faraon pa kaya? Lalo naʼt hindi ako magaling magsalita!”
Subalit kinausap ng PANGINOON sina Moises at Aaron, at pinagbilinan sila patungkol sa mga Israelita at kay Faraon para ilabas nila ang mga Israelita sa Ehipto.
Ito ang mga ninuno ng mga sambahayan na nagmula sa lahi ng Israel:
Ang mga anak na lalaki ni Ruben, na panganay na anak ni Israel ay sina Hanoc, Falu, Hezron at Carmi. Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan na nagmula kay Ruben.
Ang mga anak na lalaki ni Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at Saul. (Si Saul ang anak ni Simeon sa isang Cananeo.) Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan na nagmula kay Simeon.
Ang mga anak na lalaki ni Levi ayon sa kasaysayan ng kanyang lahi ay sina Gerson, Kohat at Merari. (Nabuhay si Levi ng 137 taon.)
Ang mga anak na lalaki ni Gerson ay sina Libni at Simei.
Ang mga anak na lalaki ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. (Nabuhay si Kohat ng 133 taon.)
Ang mga anak na lalaki ni Merari ay sina Mahli at Musi.
Ang mga angkan nila ay nagmula kay Levi ayon sa kasaysayan ng lahi niya.
Napangasawa ni Amram si Jocebed na kapatid ng kanyang ama. Ang kanilang mga anak na lalaki ay sina Aaron at Moises. (Nabuhay si Amram ng 137 taon.)
Ang mga anak na lalaki ni Izar ay sina Kora, Nefeg at Zicri.
Ang mga anak na lalaki ni Uziel ay sina Misael, Elzafan at Sitri.
Napangasawa ni Aaron si Elisabet na anak ni Aminadab at kapatid ni Naason. Ang mga anak nilang lalaki ay sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar.
Ang mga anak na lalaki ni Kora ay sina Asir, Elcana at Abiasaf. Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan nagmula kay Kora.
Si Eleazar na anak ni Aaron ay nakapag-asawa ng isa sa mga anak ni Futiel. Ang kanilang anak na lalaki ay si Finehas.
Sila ang mga ninuno ng pamilyang nagmula kay Levi ayon sa kanilang angkan.
Ang Aaron at Moises na nabanggit sa listahang ito ay ang Aaron at Moises na inutusan ng PANGINOON na manguna sa pagpapalaya ng bawat angkan ng Israel sa Ehipto. Sila ang nakipag-usap sa Faraon na hari ng Ehipto na palayain ang mga Israelita sa Ehipto.
Nang nakikipag-usap ang PANGINOON kay Moises sa Ehipto, sinabi niya kay Moises, “Ako ang PANGINOON. Sabihin ninyo sa Faraon na hari ng Ehipto ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”
Ngunit sinabi ni Moises sa PANGINOON, “Hindi po ako magaling magsalita, kaya hindi makikinig ang Faraon sa akin.”