Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Dahil sa kapangyarihan ko, papayagan niyang umalis kayo sa bayan niya. Itataboy pa nga niya kayo.” Sinabi pa ng Diyos kay Moises, “Ako ang PANGINOON. Nagpakita ako kina Abraham, Isaac, at Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan, pero hindi ko ipinakilala sa kanila ang pangalan kong PANGINOON. Gumawa ako ng kasunduan sa kanila, na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan kung saan sila nanirahan bilang mga dayuhan. Narinig ko ang hinaing ng mga Israelita na inaalipin ng mga Ehipsiyo at inalala ko ang aking kasunduan sa kanila. “Kaya sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako ang PANGINOON. Palalayain ko kayo sa pagkaalipin sa Ehipto. Sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, matinding parusa ang ibibigay ko sa mga Ehipsiyo, at ililigtas ko kayo sa pagkaalipin. Ituturing ko kayong aking mga mamamayan at akoʼy magiging Diyos ninyo. At malalaman ninyo na ako ang PANGINOON na inyong Diyos na nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Ehipto. Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako kong ibibigay kina Abraham, Isaac, at Jacob. Ibibigay ko ito sa inyo bilang pag-aari ninyo. Ako ang PANGINOON.’ ”
Basahin Exodus 6
Makinig sa Exodus 6
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Exodus 6:1-8
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas