Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Efeso 5:5-18

Mga Taga-Efeso 5:5-18 ASD

Tandaan ninyo: Walang taong mahalay, malaswa ang pamumuhay, at sakim ang mapapabilang sa kaharian ni Kristo at ng Diyos. Sapagkat ang kasakiman ay tulad din ng pagsamba sa mga diyos-diyosan. Huwag kayong padadala sa mga walang kabuluhang pangangatwiran, sapagkat dahil sa mga bagay na itoʼy kinapopootan ng Diyos ang mga suwail. Kaya huwag kayong makikibahagi sa ginagawa ng mga taong ito. Dati, namumuhay kayo sa kadiliman, ngunit ngayon ay naliwanagan na kayo dahil kayoʼy nasa Panginoon na. Ipakita ninyo sa inyong pamumuhay na naliwanagan na kayo. (Sapagkat kung ang isang tao ay naliwanagan na, makikita sa kanya ang kabutihan, katuwiran, at katotohanan.) Alamin ninyo kung ano ang nakalulugod sa Panginoon. Huwag kayong makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng mga taong nasa kadiliman, sa halip, ilantad ninyo ang kasamaan nila. Nakakahiyang banggitin man lang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim. Ngunit kung pagsasabihan ninyo sila sa masasama nilang ginagawa, malalaman nilang masama nga ang kanilang mga ginagawa. Sapagkat maliliwanagan ang lahat ng naabot ng liwanag. Kaya nga sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa mga patay at liliwanagan ka ni Kristo.” Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo mamuhay. Huwag kayong mamuhay tulad ng mga mangmang kundi tulad ng marurunong. Samantalahin ninyo ang lahat ng pagkakataon sa paggawa ng mabuti, dahil marami ang gumagawa ng kasamaan sa panahong ito. Kaya huwag kayong kumilos nang hindi nag-iisip, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. Huwag kayong maglalasing dahil nakakasira ito ng maayos na pamumuhay. Sa halip, hayaan ninyong mapuspos kayo ng Espiritu.