Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Efeso 5:22-33

Mga Taga-Efeso 5:22-33 ASD

Mga babae, magpasakop kayo sa inyong asawa gaya nang pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang siyang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Kristo na ulo ng iglesya na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. Kaya kung paanong nagpapasakop ang iglesya kay Kristo, dapat ding magpasakop ang mga babae sa asawa nila sa lahat ng bagay. Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, tulad ng pagmamahal ni Kristo sa kanyang iglesya. Inihandog niya ang kanyang sarili para sa iglesya upang maging banal ito matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas sa tubig at sa salita ng Diyos. Ginawa niya ito para maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, banal, walang kapintasan, at walang anumang bahid o dungis. Gayundin naman, dapat mahalin ng lalaki ang asawa niya tulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Sapagkat ang nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. Walang taong nasusuklam sa sariling katawan, sa halip, pinapakain niya ito at inaalagaan. Ganito rin ang ginagawa ni Kristo sa kanyang iglesya, sapagkat mga bahagi tayo ng kanyang katawan. Sinasabi sa Kasulatan, “Iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.” Napakalalim ng kahulugan ng misteryong ito, ngunit ang tinutukoy ko ay si Kristo at ang kanyang iglesya. Kaya kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng pagmamahal ninyo sa inyong sarili. At kayong mga babae, igalang ninyo ang inyong asawa.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Taga-Efeso 5:22-33