Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Deuteronomio 11:1-14

Deuteronomio 11:1-14 ASD

Mahalin ninyo ang PANGINOON na inyong Diyos at tuparin ang kanyang mga utos, tuntunin, panuntunan at kautusan. Alalahanin ninyo ang naranasang pagtutuwid ng PANGINOON na inyong Diyos sa inyo. Kayo ang nakaranas nito at hindi ang mga anak ninyo. Hindi sila ang nakakita ng kadakilaan at kapangyarihan ng PANGINOON, at ng mga himala na ginawa niya sa Ehipto laban sa Faraon na hari nito at sa buong bansa nito. Hindi rin nila nakita ang ginawa ng PANGINOON sa mga sundalong Ehipsiyo at sa mga kabayo at mga karwahe nila, at kung paano nilunod ng PANGINOON ang mga ito sa Dagat na Pula nang hinabol nila kayo. Nangamatay silang lahat. Hindi rin nakita ng mga anak ninyo ang ginawa ng PANGINOON sa inyo roon sa disyerto hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito, at kung ano ang ginawa niya kina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab na lahi ni Ruben. Nilamon sila ng lupang bumuka, pati ang kanilang pamilya, tolda at ang lahat ng nakatirang kasama nila. Nangyari ito sa harap ng mga Israelita. Kayo ang nakakita ng mga dakilang bagay na ito na ginawa ng PANGINOON. Kaya sundin ninyo ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon para may lakas kayo sa paglalakbay at sa pag-agaw ng lupain sa kabila ng Jordan. Kung susunod kayo, mabubuhay kayo nang matagal doon sa lupaing masagana sa gatas at pulot na ipinangako ng PANGINOON na ibibigay sa inyong mga ninuno at sa kanilang mga salinlahi. Sapagkat ang lupain na aangkinin at titirhan ninyo ay hindi gaya ng lupain sa Ehipto na pinanggalingan ninyo. Doon sa Ehipto, kapag magtatanim kayo, magpapakahirap pa kayo ng todo sa pagpapatubig nito. Ngunit ang lupain na aangkinin ninyo ay may mga bundok at lambak na laging nauulanan. Ang lupaing ito ay inaalagaan ng PANGINOON na inyong Diyos; binabantayan niya ito araw-araw sa buong taon! Kaya kung talagang susundin ninyo ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon, na mahalin ninyo ang PANGINOON na inyong Diyos at paglingkuran ninyo nang buong pusoʼt kaluluwa, padadalhan niya kayo ng ulan sa tamang panahon para makapag-ani kayo ng trigo, ng ubas na gagawing bagong alak at ng olibo na gagawing langis.