Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Daniel 5:20-31

Daniel 5:20-31 ASD

Ngunit siya ay naging mayabang at nagmataas, kaya pinaalis siya sa kanyang tungkulin bilang hari, at itinaboy mula sa mga tao. Naging isip-hayop siya. Tumira siya kasama ng mga asnong-gubat at kumain ng damo na parang baka. Palaging basa ng hamog ang kanyang katawan. Ganoon ang kanyang kalagayan hanggang kilalanin niya na ang Kataas-taasang Diyos ang siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin. “At ikaw, Haring Belshazar na anak niya, kahit na alam mo ang lahat ng ito, hindi ka pa rin nagpakumbaba, sa halip itinuring mong mas mataas ka kaysa sa Panginoon. Ipinakuha mo ang mga tasang mula sa templo ng Diyos at ginamit ninyong inuman ng iyong marangal na mga bisita, mga asawa, at iba pang mga asawang alipin. Maliban diyan, sumamba ka pa sa mga diyos-diyosang gawa sa pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy, at bato. Itoʼy mga diyos na hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakaunawa. Ngunit hindi mo man lang pinuri ang Diyos na siyang may hawak ng iyong buhay at nakakaalam ng iyong landas na dadaanan. Kaya ipinadala niya ang kamay na iyon upang isulat ang mga katagang ito. “Ito ang mga katagang nakasulat sa dingding: Mene, Mene, Tekel, Parsin. “Ang ibig sabihin ng mga salitang ito ay: “ Mene , bilang na ng Diyos ang natitirang araw ng paghahari mo at wawakasan na niya ito. “ Tekel , tinimbang ka at nalamang ikaw ay nagkulang. “ Parsin , hinati ang iyong kaharian at ibibigay sa Media at Persia.” Pagkatapos magsalita ni Daniel, iniutos ni Haring Belshazar na bihisan si Daniel ng maharlikang damit at suotan ng gintong kuwintas. At ipinahayag ng hari na siya ay magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa kaharian ng Babilonia. Nang gabi ring iyon, pinatay si Belshazar na hari ng mga taga-Babilonia. At si Dario na taga-Media ang pumalit sa kanya, na nooʼy animnapuʼt dalawang taóng gulang na.