Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 7:44-60

Mga Gawa 7:44-60 ASD

Sinabi pa ni Esteban, “Noong naroon pa ang ating mga ninuno sa disyerto, dala-dala nila ang Toldang Tipanan kung saan nila sinasamba ang Diyos. Ginawa ang toldang ito ayon sa utos ng Diyos kay Moises at sa planong ipinakita sa kanya. Tinanggap ito ng ating mga ninuno na nasa pamumuno ni Josue. Dala-dala nila ito noong sakupin nila ang lupain ng mga bansang itinaboy ng Diyos mula sa kanilang harapan. Nanatili ito roon hanggang sa panahon ni David. Nalugod ang Diyos kay David, at humingi si David ng pahintulot na magpatayo ng bahay para sa Diyos ni Jacob. Ngunit hindi siya ang nagpatayo ng bahay para sa Diyos kundi si Solomon na anak niya. “Subalit ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na gawa ng tao. Katulad ng sinabi ng propeta, ‘Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang aking apakan. Anong uri ng bahay ang gagawin nʼyo para sa akin? sabi ng Panginoon. Anong lugar ba ang mapagpapahingahan ko? Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay na ito?’” Sinabi ni Esteban, “Napakatigas ng ulo ninyo! Nagbibingi-bingihan kayo sa salita ng Diyos at ayaw nʼyong sumunod dito. Palagi ninyong kinakalaban ang Banal na Espiritu. Manang-mana kayo sa mga ninuno ninyo! Sino ba sa mga propeta ang hindi inusig ng mga ninuno ninyo? Pinatay pa nga nila ang mga nagpahayag tungkol sa pagdating ng Matuwid na Lingkod. At ngayong dumating na siya, kayo ang trumaydor at pumatay sa kanya. Kayo ang tumanggap ng Kautusang ibinigay ng mga anghel, ngunit hindi ninyo ito sinunod.” Nang marinig iyon ng mga miyembro ng Sanhedrin, galit na galit sila kay Esteban at nagngalit pa ang kanilang mga ngipin. Ngunit si Esteban ay napuspos ng Banal na Espiritu. Tumingala siya sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Hesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang langit at nakatayo ang Anak ng Tao sa kanan ng Diyos!” Kaya tinakpan nila ang kanilang mga tainga habang sumisigaw nang malakas, at sabay-sabay nilang sinugod si Esteban. Kinaladkad nila siya palabas ng lungsod at pinagbabato. Samantala, hinubad ng mga saksing laban kay Esteban ang kanilang balabal at iniwan sa paanan ng isang binatang ang pangalan ay Saulo. Habang binabato nila si Esteban, nananalangin siya, “Panginoong Hesus, tanggapin nʼyo po ang aking espiritu.” Pagkatapos, lumuhod siya at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag nʼyo po silang papanagutin sa kasalanang ito!” At pagkasabi nitoʼy namatay siya.