Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 5:12-29

Mga Gawa 5:12-29 ASD

Maraming tanda at kababalaghang ginawa ang mga apostol sa kalagitnaan ng mga tao. At ang lahat ng mga mananampalataya ay laging nagtitipon sa Balkonahe ni Solomon. Ngunit, wala nang iba pang nangahas na sumáma sa kanila kahit mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tao. Gayunmaʼy lalo pang nadagdagan ang bilang ng mga lalaki at babaeng sumasampalataya sa Panginoon. Dahil sa mga himalang ginawa ng mga apostol, dinala ng mga tao ang mga maysakit sa lansangan. Inilagay nila ang mga ito sa mga higaan at banig, upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lang ng anino niya ang ilan sa kanila. Bukod pa rito, marami ring mga tao mula sa mga karatig-nayon ang dumating sa Jerusalem dala ang mga maysakit at mga taong pinahihirapan ng masasamáng espiritu. At gumaling silang lahat. Labis na nainggit ang punong pari at ang kanyang mga kasamahang miyembro ng grupong Saduceo. Kaya dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. Ngunit kinagabihan, binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan at pinalabas sila. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa templo at sabihin ninyo sa mga tao ang mensaheng ito na nakapagbibigay-buhay.” Nakinig sila sa anghel, kaya pagsikat ng araw, pumasok sila sa Templo at nagsimulang magturo sa mga tao. Samantala, dumating ang punong pari at mga kasamahan niya at ipinatawag nila ang Sanhedrin: ang buong kapulungan ng mga pinuno ng Israel. May mga inutusan silang pumunta sa bilangguan para kunin ang mga apostol at dalhin sa kanila. Ngunit pagdating ng mga guwardiya ng Templo doon sa bilangguan, wala na roon ang mga apostol. Kaya bumalik sila kung saan naroon ang Sanhedrin at sinabi, “Pagdating namin sa bilangguan, nadatnan naming nakakandado pa ang mga pintuan, at nakabantay doon ang mga guwardiya. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob.” Nang marinig ito ng kapitan ng mga guwardiya sa Templo at ng mga namamahalang pari, naguluhan sila at hindi maubos-maisip kung ano ang kahahantungan nito. Siya namang pagdating ng isang taong nagbalita ng ganito, “Ang mga lalaking ikinulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.” Agad na pumunta sa templo ang kapitan ng mga guwardiya at ang kanyang mga tauhan. Dinakip nila ang mga apostol pero hindi sila gumamit ng dahas dahil natatakot silang batuhin ng mga tao. Dinala nila ang mga apostol at iniharap sa Sanhedrin. Tinanong sila ng punong pari, “Hindi baʼt pinagbawalan na namin kayong magturo tungkol sa pangalang ito? Ngunit tingnan ninyo ang ginawa nʼyo! Kumalat na ang inyong aral sa buong Jerusalem, at kami pa ang pinagbibintangan ninyong pumatay sa kanya!” Sumagot si Pedro at ang ibang apostol, “Ang Diyos ang dapat naming sundin, hindi ang tao.