Mga Gawa 3:11-16
Mga Gawa 3:11-16 ASD
Samantala, habang nakakapit ang lalaking iyon kina Pedro at Juan, nagtakbuhan ang mga tao palapit sa kanila sa bahagi ng Templo na tinatawag na Balkonahe ni Solomon dahil manghang-mangha sila. Pagkakita ni Pedro sa mga tao, sinabi niya sa kanila, “Mga kapwa ko Israelita, bakit kayo namamangha sa pangyayaring ito? Bakit ninyo kami tinitingnan na para bang napalakad namin ang taong ito dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? Ang Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob ang siyang gumawa nito upang luwalhatiin ang kanyang lingkod na si Hesus. Ang Hesus na ito ang isinakdal at itinakwil ninyo sa harapan ni Pilato, kahit napagpasyahan na niyang pakawalan siya. Siya ang Banal at Matuwid, ngunit itinakwil ninyo siya, at sa halip mas pinili pa ninyong hilingin na pakawalan ang isang mamamatay-tao. Pinatay nʼyo ang nagbibigay ng buhay, ngunit binuhay siyang muli ng Diyos. Kami ay saksi sa muli niyang pagkabuhay. Ang pananampalataya sa pangalan ni Hesus ang siyang nagpalakas sa taong ito na inyong nakikita at nakikilala. Kayo rin ay mga saksi na gumaling siya. Ang pananampalataya kay Hesus ang nagpagaling sa kanya nang ganap gaya ng nakikita ninyo ngayon.

