Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 2:36-47

Mga Gawa 2:36-47 ASD

“Kaya ngayon, dapat talagang malaman ng lahat ng Israelita na itong si Hesus na ipinapako nʼyo sa krus ang itinalaga ng Diyos na Panginoon at Mesias.” Nang marinig iyon ng mga tao, tumagos ito sa kanilang puso. Kaya sinabi nila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” Sumagot si Pedro sa kanila, “Magsisi kayo at tumalikod sa inyong mga kasalanan, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Hesu-Kristo, upang mapatawad ang inyong mga kasalanan. At matatanggap ninyo ang regalo ng Diyos na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. Sapagkat ang pangakong ito ay para sa inyo, para sa inyong mga anak, at maging sa lahat ng taong nasa malayo – sa lahat ng tatawagin ng Panginoon nating Diyos.” Marami pang ipinahayag si Pedro upang patunayan sa kanila ang kanyang sinabi. At pinakiusapan niya sila, “Iligtas ninyo ang inyong sarili sa suwail na henerasyong ito.” Marami ang naniwala sa kanyang mensahe at nagpabautismo agad sila. Sa araw na iyon, mga tatlong libong tao ang nadagdag sa kanila. Ang mga mananampalataya ay masigasig sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, sa pagpira-piraso ng tinapay upang gunitain ang Panginoon, at sa pananalangin. Namangha ang lahat ng tao dahil sa maraming kababalaghan at tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng mga apostol. Palaging nagsasama-sama ang mga mananampalataya, at ibinabahagi ang kanilang ari-arian sa isaʼt isa. Ipinagbili nila ang kanilang mga lupa at mga ari-arian, at ang peraʼy ipinamahagi nila sa kanilang mga kasama ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Araw-araw, nagtitipon sila sa Templo at nagsasalo-salo sa pagkain upang gunitain ang Panginoon sa kanilang mga bahay na may lubos na kagalakan at malinis na kalooban. Palagi silang nagpupuri sa Diyos at ang mga taoʼy nalulugod sa kanila. Araw-araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga taong kanyang inililigtas.