Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 2:1-40

Mga Gawa 2:1-40 ASD

Pagdating ng araw ng pista ng Pentecostes, nagtipon ang lahat ng mananampalataya sa isang bahay. Habang nagtitipon sila, bigla na lang silang nakarinig ng ugong na mula sa langit, na katulad ng malakas na hangin. At napuno nito ang buong bahay na kanilang kinaroroonan. Pagkatapos, may nakita silang mga ningas ng apoy na parang mga dila na kumalat at dumapo sa bawat isa sa kanila. Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nakapagsalita sila sa ibaʼt ibang wika ayon sa kakayahang ibinigay sa kanila ng Espiritu. Nang panahon ding iyon, doon sa Jerusalem ay may mga relihiyosong Hudyo na nanggaling sa ibaʼt ibang bansa sa buong mundo. Pagkarinig nila sa ugong na iyon, nagmadali silang pumunta sa pinagtitipunan ng mga mananampalataya. Namangha sila dahil narinig nila ang kani-kanilang wika na sinasalita ng mga mananampalataya. Sinabi nila, “Aba, hindi baʼt mga taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakakapagsalita ng sarili nating wika? Ang iba sa atin ay taga-Partia, Media at Elam. Mayroon ding mga taga-Mesopotamia, Judea, Capadocia, Ponto at Asia. Ang iba ay taga-Frigia, Pamfilia, Ehipto, at mula sa mga lugar na sakop ng Libya na malapit sa Cirene. Mayroon ding mga taga-Roma (mga Hudyo at mga Hentil na nahikayat sa pananampalataya ng mga Hudyo). At ang iba ay mula sa Creta at Arabia. Ngunit naririnig natin sila na nagsasalita sa mga wika natin tungkol sa mga kamangha-manghang ginawa ng Diyos!” Manghang-mangha silang lahat at hindi nila maunawaan ang mga pangyayari. Kaya tinanong nila ang isaʼt isa, “Anong ibig sabihin nito?” Ngunit may ilang nanuya sa kanila at sinabing, “Lasing lang sa bagong alak ang mga iyan!” Kaya tumayo si Pedro kasama ang Labing-isa, at nagsalita nang malakas sa mga taong nandoon, “Mga kababayan kong mga Hudyo, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayong mabuti sa akin, dahil ipapaliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng mga pangyayaring ito. Hindi lasing ang mga taong ito gaya ng inaakala ninyo, dahil alas nuwebe pa lang ng umaga. Ang pangyayaring itoʼy katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel noon: ‘Sinabi ng Diyos, “Sa mga huling araw, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao. Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng mga propesiya; ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain; at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip. Oo, sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga lingkod, maging lalaki man o babae, at magpapahayag sila ng mga propesiya. Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit at mga tanda sa lupa sa pamamagitan ng dugo, apoy, at makapal na usok. Magdidilim ang araw, at magkukulay-dugo ang buwan. Mangyayari ito bago dumating ang dakila at kamangha-manghang araw ng Panginoon. Ngunit ang sinumang tatawag sa ngalan ng Panginoon ay maliligtas.” ’ “Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Pinatotohanan ng Diyos sa inyo na si Hesus na taga-Nazaret ay sinugo niya nang gumawa siya ng mga himala, kababalaghan, at tanda sa pamamagitan ni Hesus – alam na alam nʼyo ito dahil naganap ang lahat ng ito sa kalagitnaan ninyo. Itong si Hesus, na sa simula paʼy ipinasya na ng Diyos na ibibigay sa inyo, ayon sa kanyang plano, ay inyong ipinapatay sa mga makasalanang taong nagpako sa kanya sa krus. Ngunit pinalaya siya ng Diyos sa pagdurusa at muling binuhay, dahil ang totoo, kahit ang gapos ng kamatayan ay hindi siya kayang pigilan. Ito ang sinabi ni David patungkol sa kanya: ‘Alam kong ang Panginoon ay palagi kong kasama at hindi niya ako pinapabayaan, kaya hindi ako nangangamba. Kaya ang puso koʼy nagagalak, at hindi mapigil ang aking pagpupuri sa Diyos. At ang katawan koʼy mahihimlay na may pag-asa. Sapagkat alam ko pong hindi nʼyo ako pababayaan sa mundo ng mga patay. Hindi nʼyo rin hahayaang mabulok ang inyong Banal na Lingkod. Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay, at dahil kayo ay palagi kong kasama, lubos ang aking kaligayahan.’ “Mga kababayan, malinaw na hindi tinutukoy ng ating ninunong si David ang kanyang sarili, dahil namatay siya at inilibing, at hanggang ngayon ay alam natin kung saan siya nakalibing. Si David ay propeta at alam niyang nangako ang Diyos sa kanya na ang isa sa kanyang mga lahi ay magmamana ng kanyang trono. At dahil alam niya kung ano ang mangyayari, ipinahayag niya ang muling pagkabuhay ng Mesias, na hindi siya pinabayaan sa mundo ng mga patay at hindi nabulok ang kanyang katawan. Siyaʼy walang iba kundi si Hesus na muling binuhay ng Diyos, at kaming lahat ay saksi rito. Iniluklok siya sa kanan ng Diyos, at tinanggap niya mula sa Ama ang Banal na Espiritung ipinangako sa kanya. Ibinuhos naman niya sa amin ang Banal na Espiritu na siyang nakikita at naririnig ninyo ngayon. Sapagkat hindi si David ang umakyat sa langit, ngunit sinabi niya, ‘Wika ng Panginoon sa aking Panginoon: “Umupo ka rito sa aking kanan hanggang sa gawin kong iyong apakan ang iyong mga kalaban.” ’ “Kaya ngayon, dapat talagang malaman ng lahat ng Israelita na itong si Hesus na ipinapako nʼyo sa krus ang itinalaga ng Diyos na Panginoon at Mesias.” Nang marinig iyon ng mga tao, tumagos ito sa kanilang puso. Kaya sinabi nila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” Sumagot si Pedro sa kanila, “Magsisi kayo at tumalikod sa inyong mga kasalanan, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Hesu-Kristo, upang mapatawad ang inyong mga kasalanan. At matatanggap ninyo ang regalo ng Diyos na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. Sapagkat ang pangakong ito ay para sa inyo, para sa inyong mga anak, at maging sa lahat ng taong nasa malayo – sa lahat ng tatawagin ng Panginoon nating Diyos.” Marami pang ipinahayag si Pedro upang patunayan sa kanila ang kanyang sinabi. At pinakiusapan niya sila, “Iligtas ninyo ang inyong sarili sa suwail na henerasyong ito.”