Mga Gawa 2:1-40
Mga Gawa 2:1-40 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)
Nagkakatipon silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig. Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika? Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na naakit sa pananampalatayang Judio. May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?” Hindi nila lubusang maunawaan ang nangyari, kaya't nagtatanungan sila, “Ano ang kahulugan nito?” Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!” Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na mga panauhin sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon. Ang nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel, ‘Ito ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘Ipagkakaloob ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao; ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe. Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain, at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip. Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu, sa aking mga alipin, maging lalaki at maging babae, at ipahahayag nila ang aking mensahe. Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit at mga himala sa lupa; dugo, apoy at makapal na usok. Ang araw ay magdidilim, ang buwan ay pupulang parang dugo, bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon. At sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’ “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. Ngunit ang taong ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos at hinango sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi siya kayang ikulong nito, gaya ng sinabi ni David tungkol sa kanya, ‘Alam kong kasama ko ang Panginoon sa tuwina, hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya. Kaya't ako'y nagdiriwang, puso at diwa'y nagagalak, gayundin naman ako'y mabubuhay nang may pag-asa. Sapagkat hindi mo ako pababayaan sa daigdig ng mga patay; at hindi mo pahihintulutang mabulok ang iyong Banal na Lingkod. Itinuro mo sa akin ang mga landas upang ako'y mabuhay, dahil sa ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’ “Mga kapatid, sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. Siya'y propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan. Kaya't ang muling pagkabuhay ng Cristo ang nakita at ipinahayag ni David nang kanyang sabihin, ‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; at hindi itinulot na mabulok ang kanyang katawan.’ Si Jesus ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon. Pinaupo siya sa kanan ng Diyos at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig. Hindi si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi lamang niya, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’ “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!” Nabagbag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.” Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.”
Mga Gawa 2:1-40 Ang Salita ng Diyos (ASD)
Pagdating ng araw ng pista ng Pentecostes, nagtipon ang lahat ng mananampalataya sa isang bahay. Habang nagtitipon sila, bigla na lang silang nakarinig ng ugong na mula sa langit, na katulad ng malakas na hangin. At napuno nito ang buong bahay na kanilang kinaroroonan. Pagkatapos, may nakita silang mga ningas ng apoy na parang mga dila na kumalat at dumapo sa bawat isa sa kanila. Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nakapagsalita sila sa ibaʼt ibang wika ayon sa kakayahang ibinigay sa kanila ng Espiritu. Nang panahon ding iyon, doon sa Jerusalem ay may mga relihiyosong Hudyo na nanggaling sa ibaʼt ibang bansa sa buong mundo. Pagkarinig nila sa ugong na iyon, nagmadali silang pumunta sa pinagtitipunan ng mga mananampalataya. Namangha sila dahil narinig nila ang kani-kanilang wika na sinasalita ng mga mananampalataya. Sinabi nila, “Aba, hindi baʼt mga taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakakapagsalita ng sarili nating wika? Ang iba sa atin ay taga-Partia, Media at Elam. Mayroon ding mga taga-Mesopotamia, Judea, Capadocia, Ponto at Asia. Ang iba ay taga-Frigia, Pamfilia, Ehipto, at mula sa mga lugar na sakop ng Libya na malapit sa Cirene. Mayroon ding mga taga-Roma (mga Hudyo at mga Hentil na nahikayat sa pananampalataya ng mga Hudyo). At ang iba ay mula sa Creta at Arabia. Ngunit naririnig natin sila na nagsasalita sa mga wika natin tungkol sa mga kamangha-manghang ginawa ng Diyos!” Manghang-mangha silang lahat at hindi nila maunawaan ang mga pangyayari. Kaya tinanong nila ang isaʼt isa, “Anong ibig sabihin nito?” Ngunit may ilang nanuya sa kanila at sinabing, “Lasing lang sa bagong alak ang mga iyan!” Kaya tumayo si Pedro kasama ang Labing-isa, at nagsalita nang malakas sa mga taong nandoon, “Mga kababayan kong mga Hudyo, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayong mabuti sa akin, dahil ipapaliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng mga pangyayaring ito. Hindi lasing ang mga taong ito gaya ng inaakala ninyo, dahil alas nuwebe pa lang ng umaga. Ang pangyayaring itoʼy katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel noon: ‘Sinabi ng Diyos, “Sa mga huling araw, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao. Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng mga propesiya; ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain; at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip. Oo, sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga lingkod, maging lalaki man o babae, at magpapahayag sila ng mga propesiya. Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit at mga tanda sa lupa sa pamamagitan ng dugo, apoy, at makapal na usok. Magdidilim ang araw, at magkukulay-dugo ang buwan. Mangyayari ito bago dumating ang dakila at kamangha-manghang araw ng Panginoon. Ngunit ang sinumang tatawag sa ngalan ng Panginoon ay maliligtas.” ’ “Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Pinatotohanan ng Diyos sa inyo na si Hesus na taga-Nazaret ay sinugo niya nang gumawa siya ng mga himala, kababalaghan, at tanda sa pamamagitan ni Hesus – alam na alam nʼyo ito dahil naganap ang lahat ng ito sa kalagitnaan ninyo. Itong si Hesus, na sa simula paʼy ipinasya na ng Diyos na ibibigay sa inyo, ayon sa kanyang plano, ay inyong ipinapatay sa mga makasalanang taong nagpako sa kanya sa krus. Ngunit pinalaya siya ng Diyos sa pagdurusa at muling binuhay, dahil ang totoo, kahit ang gapos ng kamatayan ay hindi siya kayang pigilan. Ito ang sinabi ni David patungkol sa kanya: ‘Alam kong ang Panginoon ay palagi kong kasama at hindi niya ako pinapabayaan, kaya hindi ako nangangamba. Kaya ang puso koʼy nagagalak, at hindi mapigil ang aking pagpupuri sa Diyos. At ang katawan koʼy mahihimlay na may pag-asa. Sapagkat alam ko pong hindi nʼyo ako pababayaan sa mundo ng mga patay. Hindi nʼyo rin hahayaang mabulok ang inyong Banal na Lingkod. Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay, at dahil kayo ay palagi kong kasama, lubos ang aking kaligayahan.’ “Mga kababayan, malinaw na hindi tinutukoy ng ating ninunong si David ang kanyang sarili, dahil namatay siya at inilibing, at hanggang ngayon ay alam natin kung saan siya nakalibing. Si David ay propeta at alam niyang nangako ang Diyos sa kanya na ang isa sa kanyang mga lahi ay magmamana ng kanyang trono. At dahil alam niya kung ano ang mangyayari, ipinahayag niya ang muling pagkabuhay ng Mesias, na hindi siya pinabayaan sa mundo ng mga patay at hindi nabulok ang kanyang katawan. Siyaʼy walang iba kundi si Hesus na muling binuhay ng Diyos, at kaming lahat ay saksi rito. Iniluklok siya sa kanan ng Diyos, at tinanggap niya mula sa Ama ang Banal na Espiritung ipinangako sa kanya. Ibinuhos naman niya sa amin ang Banal na Espiritu na siyang nakikita at naririnig ninyo ngayon. Sapagkat hindi si David ang umakyat sa langit, ngunit sinabi niya, ‘Wika ng Panginoon sa aking Panginoon: “Umupo ka rito sa aking kanan hanggang sa gawin kong iyong apakan ang iyong mga kalaban.” ’ “Kaya ngayon, dapat talagang malaman ng lahat ng Israelita na itong si Hesus na ipinapako nʼyo sa krus ang itinalaga ng Diyos na Panginoon at Mesias.” Nang marinig iyon ng mga tao, tumagos ito sa kanilang puso. Kaya sinabi nila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” Sumagot si Pedro sa kanila, “Magsisi kayo at tumalikod sa inyong mga kasalanan, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Hesu-Kristo, upang mapatawad ang inyong mga kasalanan. At matatanggap ninyo ang regalo ng Diyos na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. Sapagkat ang pangakong ito ay para sa inyo, para sa inyong mga anak, at maging sa lahat ng taong nasa malayo – sa lahat ng tatawagin ng Panginoon nating Diyos.” Marami pang ipinahayag si Pedro upang patunayan sa kanila ang kanyang sinabi. At pinakiusapan niya sila, “Iligtas ninyo ang inyong sarili sa suwail na henerasyong ito.”
Mga Gawa 2:1-40 Ang Biblia (TLAB)
At nang dumating nga ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nangagkakatipon sa isang dako. At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan. At sa kanila'y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabahabahagi; at dumapo sa bawa't isa sa kanila. At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain. May mga nagsisitahan nga sa Jerusalem na mga Judio, mga lalaking religioso, na buhat sa bawa't bansa sa ilalim ng langit. At nang marinig ang ugong na ito, ay nangagkatipon ang karamihan, at nangamaang, sapagka't sa kanila'y narinig ng bawa't isa na sinasalita ang kaniyang sariling wika. At silang lahat ay nangagtaka at nagsipanggilalas, na nangagsasabi, Narito, hindi baga mga Galileong lahat ang mga nagsisipagsalitang ito? At bakit nga naririnig ng bawa't isa sa atin, ang ating sariling wikang kinamulatan? Tayong mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at ang nangananahan sa Mesapotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia, Sa Frigia at Pamfilia, sa Egipto at sa mga sakop ng Libia na karatig ng Cirene at mga nakikipamayang galing sa Roma, mga Judio, at gayon din ang mga naging Judio, Mga Cretense at mga Arabe, ay nangaririnig nating nagsisipagsalita sila sa ating mga wika ng mga makapangyarihang gawa ng Dios. At silang lahat ay nangagtaka at nangalito, na sinasabi ng isa sa isa, Anong kahulugan nito? Datapuwa't ang mga iba'y nanganglilibak na nangagsabi, Sila'y puno ng bagong alak. Datapuwa't pagtindig ni Pedro na kasama ang labingisa, ay itinaas ang kaniyang tinig, at sa kanila'y nagsaysay, na sinasabing, Kayong mga lalaking taga Judea, at kayong lahat na nangananahan sa Jerusalem, mangaalaman nawa ninyong lahat ito, at inyong pakinggan ang aking mga salita. Sapagka't ang mga ito'y hindi mga lasing, na gaya ng inyong inaakala; yamang ngayo'y oras na ikatlo lamang ng araw; Datapuwa't ito'y yaong sinalita na sa pamamagitan ng propeta Joel: At mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Dios, Na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman: At ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, At ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain, Ang inyong mga matatanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip: Oo't sa aking mga lingkod na lalake at sa aking mga lingkod na babae, sa mga araw na yaon Ibubuhos ko ang aking Espiritu; at magsisipanghula sila. At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas, At mga tanda sa lupa sa ibaba, Dugo, at apoy, at singaw ng usok: Ang araw ay magiging kadiliman, At ang buwan ay dugo, Bago dumating ang araw ng Panginoon, Yaong araw na dakila at tangi: At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon, ay maliligtas. Kayong mga lalaking taga Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga Nazaret, lalaking pinatunayan ng Dios sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan at mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Dios sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya rin ng nalalaman ninyo; Siya, na ibinigay sa takdang pasiya at paunang kaalaman ng Dios, kayo sa pamamagitan ng mga kamay ng mga tampalasan ay inyong ipinako sa krus at pinatay: Na siya'y binuhay na maguli ng Dios, pagkaalis sa mga hirap ng kamatayan: sapagka't hindi maaari na siya'y mapigilan nito. Sapagka't sinasabi ni David tungkol sa kaniya, Nakita kong lagi ang Panginoon sa aking harapan; Sapagka't siya'y nasa aking kanang kamay, upang huwag akong makilos: Dahil dito'y nagalak ang aking puso, at natuwa ang aking dila; Pati naman ang aking laman ay mananahan sa pagasa: Sapagka't hindi mo iiwan ang kaluluwa ko sa Hades, Ni titiisin man na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan. Ipinakilala mo sa akin ang mga daan ng buhay; Pupuspusin mo ako ng kagalakan sa harap ng iyong mukha. Mga kapatid, malayang masasabi ko sa inyo ang tungkol sa patriarkang si David, na siya'y namatay at inilibing, at nasa atin ang kaniyang libingan hanggang sa araw na ito. Palibhasa nga'y isang propeta, at sa pagkaalam na may panunumpang isinumpa ng Dios sa kaniya, na sa bunga ng kaniyang baywang ay iluluklok niya ang isa sa kaniyang luklukan; Palibhasa'y nakikita na niya ito, ay nagsalita tungkol sa pagkabuhay na maguli ng Cristo, na siya'y hindi pinabayaan sa Hades, ni ang kaniya mang katawan ay hindi nakakita ng kabulukan. Ang Jesus na ito'y binuhay na maguli ng Dios, at tungkol dito'y mga saksi kaming lahat. Palibhasa nga'y pinarangal ng kanang kamay ng Dios, at tinanggap na sa Ama ang pangako ng Espiritu Santo, ay ibinuhos niya ito, na inyong nakikita at naririnig. Sapagka't hindi umakyat si David sa mga langit; datapuwa't siya rin ang nagsabi, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa kanan ko, Hanggang sa gawin ko ang mga kaaway mo na tuntungan ng iyong mga paa. Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus. Nang marinig nga nila ito, ay nangasaktan ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, Mga kapatid, anong gagawin namin? At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya. At sa iba pang maraming salita ay nagpatotoo siya, at nangaral sa kanila, na sinasabi, Magsiligtas kayo sa likong lahing ito.
Mga Gawa 2:1-40 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)
Nagkakatipon silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig. Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika? Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na naakit sa pananampalatayang Judio. May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?” Hindi nila lubusang maunawaan ang nangyari, kaya't nagtatanungan sila, “Ano ang kahulugan nito?” Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!” Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na mga panauhin sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon. Ang nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel, ‘Ito ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘Ipagkakaloob ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao; ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe. Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain, at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip. Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu, sa aking mga alipin, maging lalaki at maging babae, at ipahahayag nila ang aking mensahe. Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit at mga himala sa lupa; dugo, apoy at makapal na usok. Ang araw ay magdidilim, ang buwan ay pupulang parang dugo, bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon. At sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’ “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. Ngunit ang taong ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos at hinango sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi siya kayang ikulong nito, gaya ng sinabi ni David tungkol sa kanya, ‘Alam kong kasama ko ang Panginoon sa tuwina, hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya. Kaya't ako'y nagdiriwang, puso at diwa'y nagagalak, gayundin naman ako'y mabubuhay nang may pag-asa. Sapagkat hindi mo ako pababayaan sa daigdig ng mga patay; at hindi mo pahihintulutang mabulok ang iyong Banal na Lingkod. Itinuro mo sa akin ang mga landas upang ako'y mabuhay, dahil sa ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’ “Mga kapatid, sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. Siya'y propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan. Kaya't ang muling pagkabuhay ng Cristo ang nakita at ipinahayag ni David nang kanyang sabihin, ‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; at hindi itinulot na mabulok ang kanyang katawan.’ Si Jesus ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon. Pinaupo siya sa kanan ng Diyos at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig. Hindi si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi lamang niya, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’ “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!” Nabagbag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.” Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.”
Mga Gawa 2:1-40 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)