Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Taga-Tesalonica 3:6-12

2 Mga Taga-Tesalonica 3:6-12 ASD

Mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Hesu-Kristo, iniuutos namin sa inyo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at hindi sumusunod sa mga ipinangaral namin sa inyo. Sapagkat alam naman ninyong dapat nʼyo kaming tularan dahil hindi kami naging tamad noong nariyan pa kami. Hindi kami tumanggap ng pagkain mula sa inyo na hindi namin binayaran. Sa halip, nagsikap kaming magtrabaho araw at gabi upang hindi kami maging pabigat kaninuman. Ginawa namin ito, hindi dahil wala kaming karapatang tumanggap ng tulong galing sa inyo, kundi upang magsilbing halimbawa sa inyo. Noong kasama nʼyo pa kami, sinabi namin sa inyo na huwag pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho. Nabalitaan naming ang ilan sa inyo ay tamad, ayaw kumilos, at walang ibang ginagawa kundi makialam sa buhay ng iba. Kaya sa pangalan ng Panginoong Hesu-Kristo, mahigpit naming inuutusan ang mga taong ito na maghanapbuhay at huwag makialam sa buhay ng iba.