Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Hari 4:8-32

2 Mga Hari 4:8-32 ASD

Isang araw, pumunta si Eliseo sa Shunem. May mayamang babae roon na nakiusap kay Eliseo na dumaan muna at kumain. Simula noon, kapag dumaraan si Eliseo sa Shunem, humihinto siya sa bahay ng babae para kumain. Ngayon, nagsabi ang babae sa asawa niya, “Nalalaman ko na isang banal na lingkod ng Diyos ang taong ito na palaging dumadaan dito sa atin. Igawa natin siya ng maliit na kuwarto sa may bubungan, at lagyan natin ito ng higaan, mesa, upuan at ilawan, para kapag pupunta siya rito sa atin ay may matutuluyan siya.” Isang araw, nang pumunta si Eliseo sa Shunem, umakyat siya sa kuwarto at nagpahinga. Inutusan niya ang katulong niyang si Gehazi na tawagin ang babae. Kaya tinawag ni Gehazi ang babae. Pagdating ng babae, sinabi ni Eliseo sa katulong niya, “Dahil sa mabuting pag-aaruga niya sa atin, tanungin mo siya kung ano ang magagawa natin para sa kanya. Gusto ba niyang kausapin ko ang hari o ang kumander ng mga sundalo para sa kanya?” Sumagot ang babae, “Hindi na po kailangan, mabuti naman po ang kalagayan ko kasama ng aking mga kababayan.” Nagtanong si Eliseo kay Gehazi, “Ano kaya ang magagawa natin para sa kanya?” Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak na lalaki at matanda na ang asawa niya.” Sinabi ni Eliseo, “Tawagin mo siya ulit.” Kaya tinawag siya ni Gehazi at tumayo ang babae sa pintuan. Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Sa susunod na taon, sa ganito ring panahon, may kinakalong ka nang anak na lalaki.” “Huwag naman po, ginoo!” tugon ng babae. “Nakikiusap po ako sa inyo, lingkod ng Diyos, huwag naman po sana ninyo akong paasahin.” Nagbuntis nga ang babae at nanganak ng lalaki sa ganoon ding panahon nang sumunod na taon, ayon sa sinabi ni Eliseo. Isang araw, nang lumaki na ang bata, pumunta siya sa kanyang ama na nagtatrabaho sa bukid kasama ng mga gumagapas. Sinabi niya sa kanyang ama, “Masakit po ang ulo ko! Masakit po ang ulo ko!” Sinabi ng kanyang ama sa utusan, “Dalhin mo siya sa kanyang ina!” Dinala nga ng utusan ang bata sa kanyang ina. Kinalong ng ina ang bata hanggang tanghali at itoʼy namatay. Iniakyat ng ina ang bangkay ng kanyang anak sa kuwarto ng propeta ng Diyos at inilagay sa higaan nito. Pagkatapos, lumabas siya sa kuwarto at isinara ang pinto. Tinawag ng babae ang asawa niya at sinabi, “Padalhan mo ako ng isang utusan at isang asno para mabilis akong makapunta sa lingkod ng PANGINOON at makabalik agad.” Nagtanong ang asawa niya, “Bakit ngayon ka pupunta? Hindi naman Pista ng Bagong Buwan o Araw ng Pamamahinga?” Sumagot ang babae, “Ayos lang ʼyon.” Kaya nilagyan niya ng upuan ang asno at sinabi sa utusan niya, “Bilisan mo! Huwag kang titigil hanggaʼt hindi ko sinasabi.” Kaya umalis sila, at nakarating sa Bundok ng Carmel kung saan naroon ang lingkod ng Diyos. Nang makita ni Eliseo sa di-kalayuan na paparating ang babae, sinabi niya sa katulong niyang si Gehazi, “Tingnan mo, parating ang babaeng taga-Shunem! Salubungin mo siya at kumustahin. Sabihin mo, ‘Kumusta po kayo, ang inyong asawa at anak?’ ” Sinabi ng babae kay Gehazi, “Mabuti naman ang lahat.” Ngunit pagdating niya kay Eliseo sa bundok, lumuhod siya at hinawakan ang paa ni Eliseo. Lumapit si Gehazi para hilahin ang babae palayo. Subalit sinabi ni Eliseo, “Hayaan mo siya! May dinaramdam siya, pero hindi sinabi sa akin ng PANGINOON kung bakit.” Sinabi ng babae, “Ginoo, hindi naman po ako humiling sa inyo na magkaroon ako ng anak, ʼdi po ba? Sinabi ko pa nga sa inyo na huwag na po ninyo akong paasahin.” Kaya sinabi ni Eliseo kay Gehazi, “Maghanda ka, dalhin mo ang aking tungkod at magmadali ka. Kung may makasalubong ka, huwag mong pansinin. Kung may babati sa iyo, huwag mo nang sagutin. Pagdating mo, ilagay mo agad ang tungkod ko sa mukha ng bata.” Ngunit sinabi ng ina ng bata kay Eliseo, “Sumusumpa ako sa buháy na PANGINOON at sa inyo na hindi po ako uuwi kung hindi ko kayo kasama.” Kaya sumáma sa kanya si Eliseo. Nauna si Gehazi at inilagay niya ang tungkod sa mukha ng bata, ngunit hindi nagsalita o gumalaw ang bata. Kaya bumalik si Gehazi para salubungin si Eliseo at sinabi, “Hindi po bumangon ang bata.” Nang dumating si Eliseo sa bahay, nakita niyang patay na ang batang nakahiga sa higaan niya.