Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Timoteo 6:11-20

1 Timoteo 6:11-20 ASD

Ngunit ikaw, bilang lingkod ng Diyos, iwasan mo ang mga bagay na iyan. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, banal, may matibay na pananampalataya, mapagmahal, mapagtiis at mabait sa kapwa. Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil tinawag ka ng Diyos para sa buhay na ito nang ipahayag mo ang pananampalataya mo sa harap ng maraming saksi. Sa presensya ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa presensya ni Kristo Hesus na nagpatotoo sa harap ni Poncio Pilato, inuutusan kitang sundin nang mabuti ang mga iniutos sa iyo upang walang maipintas sa iyo. Gawin mo ito hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Sa takdang panahon, ihahayag siya ng dakila at makapangyarihang Diyos, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. Siya lang ang walang kamatayan, at nananahan sa di-malapit-lapitang liwanag. Hindi siya nakita o maaaring makita ninuman. Sa kanya ang karangalan at walang hanggang kapangyarihan. Amen. Sabihin mo sa mga mayayaman sa mundong ito na huwag silang maging mayabang o umasa sa kayamanan nilang madaling mawala. Sa halip, umasa sila sa Diyos na nagkakaloob sa atin ng lahat ng bagay na ikasisiya natin. Turuan mo silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, at mapagbigay at matulungin sa kapwa. Sa gayon, makakapag-ipon sila ng kayamanang magiging matatag na pundasyon nila sa hinaharap, at matatamo nila ang tunay na buhay. Timoteo, ingatan mo ang mga aral na ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang usap-usapan na ipinapalagay ng iba na karunungan, pero sumasalungat sa itinuturo natin.