1 Mga Taga-Tesalonica 5:8-18
1 Mga Taga-Tesalonica 5:8-18 ASD
Ngunit dahil namumuhay na tayo sa liwanag, dapat ay may pagpipigil tayo sa sarili. Gawin nating panangga sa dibdib ang pananampalataya at pag-ibig, at helmet ang pag-asa natin sa pagliligtas sa atin ng Diyos. Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa kaparusahan, kundi upang magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Namatay siya para sa atin, upang kahit tayoʼy tulog man o gising man sa pagbalik niya ay mabuhay tayo sa piling niya. Kaya nga, patuloy ninyong pasiglahin at patatagin ang isaʼt isa, katulad nga ng ginagawa ninyo. Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na pahalagahan ninyo ang mga naglilingkod sa inyo na pinili ng Panginoon upang mamuno at mangaral sa inyo. Ibigay nʼyo sa kanila ang lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa gawain nila. Mamuhay kayong may mabuting pakikitungo sa isaʼt isa. Nakikiusap kami sa inyo, mga kapatid, na pagsabihan nʼyo ang mga tamad. Palakasin ang mga mahihina sa pananampalataya nila. Maging mapagpasensya kayo sa lahat. Huwag na huwag ninyong gagantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, sa halip, sikapin ninyong makagawa ng mabuti sa isaʼt isa at sa lahat. Palagi kayong magalak, palaging manalangin, at magpasalamat kayo sa lahat ng pagkakataon, dahil ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo na mga nakay Kristo Hesus.


