Kaya mamuhay ang bawat isa ayon sa kanyang kalagayan nang tinawag siya ng Diyos.
Ikaw baʼy isang alipin nang tawagin ng Diyos? Huwag kang mabahala; ngunit kung may magagawa ka naman upang maging malaya, samantalahin mo ito. Sapagkat ang alipin nang tawagin siya ng Panginoon ay malaya na sa harapan ng Panginoon. Ang tao namang malaya nang tawagin siya ay alipin na ngayon ni Kristo. Tinubos kayo ng Diyos sa malaking halaga, kaya huwag kayong basta magpaalipin sa tao. Kaya nga mga kapatid, mamuhay ang bawat isa sa inyo ayon sa kanyang kalagayan nang tawagin siya ng Diyos.
Ngayon, tungkol naman sa mga babaeng walang asawa, wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit bilang isang mapagkakatiwalaan dahil sa awa ng Diyos, ito ang aking masasabi: Dahil sa kahirapan ngayon, mas mabuti kung magpatuloy na lamang kayo sa inyong kalagayan. Kaya kung ikaw ay may asawa na, huwag mong hihiwalayan ang iyong asawa. At kung ikaw naman ay wala pang asawa, mas mabuti na huwag ka na lang mag-asawa. Ngunit kung mag-asawa ka man, hindi ka magkakasala. At kung mag-asawa ang isang dalaga, hindi rin siya magkakasala. Kaya ko lamang sinasabi sa mga wala pang asawa na manatili na lamang na ganoon ay dahil gusto kong maiwasan nila ang mga hirap ng buhay may asawa.
Ang ibig kong sabihin mga kapatid, maikli na lang ang natitirang panahon. Kaya ang mga may asawa ay dapat nang mamuhay na parang walang asawa, ang mga umiiyak naman na parang hindi umiiyak, ang mga nagagalak na parang hindi nagagalak, at ang mga bumibili na parang hindi bumibili para sa sarili, at ang mga gumagamit ng mga bagay dito sa mundo ay hindi dapat mawili sa mga bagay na ito, dahil ang mga bagay sa mundong ito ay lilipas.
Gusto kong wala kayong inaalala. Kapag ang isang lalaki ay walang asawa, ang pinagkakaabalahan niya ay ang kanyang paglilingkod sa Panginoon at kung paano siya magiging kalugod-lugod sa kanya. Ngunit ang lalaking may asawaʼy abala sa mga bagay dito sa mundo; kung paano niya mapapaligaya ang kanyang asawa, at dahil dito, hati ang kanyang isipan. Ganoon din naman sa mga babae. Kung ang isang babae ay walang asawa, ang pinagkakaabalahan niya ay ang paglilingkod sa Panginoon, at nais niyang ilaan ang kanyang buong buhay sa paglilingkod sa kanya. Ngunit ang babaeng may asawa ay abala sa mga bagay dito sa mundo, at kung paano niya mapapaligaya ang kanyang asawa. Sinasabi ko lamang ito para sa inyong kabutihan, hindi ko kayo pinagbabawalang mag-asawa. Gusto ko lamang na hanggaʼt maaari ay maging maayos at walang hadlang ang inyong paglilingkod sa Panginoon.
Ngayon, kung sa palagay ng isang lalaki ay hindi tama ang ikinikilos niya sa kanyang nobya dahil sa matinding pagnanasa, at kung sa palagay niyaʼy dapat na silang magpakasal, mas mabuti ngang gawin niya iyon. Hindi ito kasalanan. Ngunit kung nagpasya ang lalaki na hindi na lang niya pakakasalan ang kanyang nobya, at hindi na lamang siya mag-aasawa dahil kaya naman niyang magpigil sa sarili, mabuti rin ang kanyang ginagawa. Kaya mabuti kung mag-aasawa siya, ngunit mas mabuti kung hindi.
Ang babae ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay pa ito. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siyang mag-asawang muli ng sinumang gusto niya, pero dapat sa isa ring mananampalataya sa Panginoon. Ngunit para sa akin, magiging mas maligaya siya kung hindi siya mag-aasawang muli. At sa tingin ko namaʼy nagmumula sa Espiritu ng Diyos ang itinuturo kong ito sa inyo.