Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Taga-Corinto 7:1-20

1 Mga Taga-Corinto 7:1-20 ASD

Ngayon, ito naman ang masasabi ko tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin. Makabubuti sa isang lalaki kung hindi siya magkakaroon ng seksuwal na relasyon. Ngunit dahil marami ang natutuksong gumawa ng seksuwal na imoralidad, mas mabuting mag-asawa ang bawat lalaki o babae. Dapat tuparin ng lalaki ang kanyang tungkulin sa kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae. Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa kanyang katawan kundi ang kanyang asawa. Ganoon din ang lalaki, hindi na siya ang may karapatan sa kanyang katawan kundi ang kanyang asawa. Kaya huwag ninyong ipagkait ang pagsiping sa inyong asawa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong ipagpaliban ito, upang mailaan ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkalipas ng inyong pinagkasunduan, magsiping na uli kayo dahil baka hindi na kayo makapagpigil at matukso kayo ni Satanas. Ang sinasabi koʼy hindi isang utos kundi mungkahi lamang. Kung puwede lang, gusto ko sanang kayong lahat ay maging katulad ko. Ngunit may kanya-kanyang kaloob sa atin ang Diyos, at hindi ito pare-pareho. Ngayon, ito naman ang masasabi ko sa mga wala pang asawa at sa mga biyuda: Mas maiging manatili na lamang kayo sa ganyang kalagayan kagaya ko. Ngunit kung hindi kayo makapagpigil sa inyong sarili, mag-asawa na lamang kayo. Mas mabuti na ito kaysa sa magkasala kayo dahil sa matinding pagnanasa ng laman. Ngayon, sa inyong mga may asawa, may utos ako na sinabi mismo ng Panginoon: Hindi dapat hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae sa kanyang asawa. Ngunit kung hihiwalay ang babae sa kanyang asawa, dapat manatili siyang walang asawa o di kayaʼy bumalik na lamang sa kanyang asawa. Sa iba naman, ito ang masasabi ko (itoʼy opinyon ko lamang; walang sinabi ang Panginoon tungkol dito): Kung ang isang mananampalatayang lalaki ay may asawa na hindi mananampalataya na gusto namang magsama sila, hindi niya dapat hiwalayan ang babae. At kung ang isang babae naman ay may asawang hindi mananampalataya na gusto namang magsama sila, hindi niya dapat hiwalayan ang lalaki. Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay nagiging banal dahil sa kanyang mananampalatayang asawa, at ang babaeng hindi mananampalataya ay nagiging banal dahil sa kanyang mananampalatayang asawa. Dahil kung hindi, ang mga anak nila ay ituturing na marumi sa paningin ng Diyos. Ngunit sa katunayan, itinuturing silang banal ng Diyos. Subalit kung gustong humiwalay ng asawang hindi mananampalataya, hayaan siyang humiwalay. Sa ganitong pangyayari ay wala nang pananagutan ang mananampalatayang asawa, dahil tinawag tayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. Anong malay ninyo, mga babae, baka maligtas pa ang inyong asawa dahil sa inyo? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka maligtas pa ang inyong asawa dahil sa inyo? Ang bawat isa sa inyo ay dapat mamuhay ayon sa itinakda ng Panginoon sa kanya, at manatili sa kalagayan niya nang tawagin siya ng Diyos. Ito ang iniuutos ko sa lahat ng iglesya. Halimbawa, kung may isang lalaking tuli na nang tinawag siya, hindi na niya dapat baguhin ang kanyang kalagayan. At kung hindi pa siya tuli nang tinawag siya, hindi na niya kailangang magpatuli pa. Sapagkat hindi mahalaga kung tuli ang isang lalaki o hindi. Ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Kaya mamuhay ang bawat isa ayon sa kanyang kalagayan nang tinawag siya ng Diyos.