Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Taga-Corinto 12:4-27

1 Mga Taga-Corinto 12:4-27 ASD

May ibaʼt iba tayong kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung pinagmulan nito. May ibaʼt ibang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran natin. Mayroong ibaʼt ibang mga kakayahan upang magsagawa ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Diyos na nagbibigay ng lahat ng mga kakayahang ito. May mga kakayahang ipinagkaloob sa bawat isa sa atin na nagpapakita na nasa atin ang Espiritu, at ang mga itoʼy palaging para sa kapakinabangan ng buong iglesya. Sa isaʼy ipinagkaloob ng Espiritu ang kakayahang magsalita nang may karunungan, at sa isa naman ay ang kakayahang magpaliwanag nang may kaalaman. Ang ibaʼy pinagkalooban ng dakilang pananampalataya sa Diyos, at ang iba naman ay binigyan ng kakayahang magpagaling ng mga maysakit. Galing sa iisang Espiritu ang lahat ng ito. Ang ibaʼy pinagkalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, at ang iba namaʼy binigyan ng kakayahang magpropesiya. Mayroon namang pinagkalooban ng kakayahang makilala kung alin ang galing sa Espiritu. Sa ibaʼy ipinagkaloob ang kakayahang magsalita sa ibaʼt ibang wikang hindi nila natutunan, at sa iba naman ay ang kakayahang maipaliwanag ang sinasabi sa mga wikang iyon. Ngunit iisang Espiritu lamang ang nagbigay ng lahat ng ito, at ipinamamahagi niya sa bawat tao ayon sa kanyang kagustuhan. Ang katawan ng tao ay binubuo ng maraming bahagi, ngunit ang maraming bahagi na ito ay bumubuo sa iisa pa ring katawan. Gayundin naman ang mga mananampalatayang bumubuo sa katawan ni Kristo. Tayong lahat, Hudyo man o Hentil, alipin o malaya ay nabautismuhan sa iisang Espiritu para maging isang katawan. At iisang Espiritu rin ang tinanggap nating lahat. Ang katawan ay hindi binubuo ng iisang bahagi lamang kundi ng maraming bahagi. Kaya kung sasabihin ng paa, “Dahil hindi ako kamay, hindi ako bahagi ng katawan,” hindi ito nangangahulugang hindi na ito bahagi ng katawan. At kung sasabihin naman ng tainga, “Dahil hindi ako mata, hindi ako bahagi ng katawan,” hindi rin ito nangangahulugang hindi na ito bahagi ng katawan. Dahil kung ang buong katawan ay puro mata, paano ito makakarinig? At kung ang katawan ay puro lamang tainga, paano ito makakaamoy? Ngunit nilikha ng Diyos ang ating katawan na may ibaʼt ibang bahagi ayon sa kanyang nais. Kung ang katawan ay binubuo lamang ng isang bahagi, matatawag pa ba itong katawan? Ang totooʼy ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi, ngunit iisang katawan lamang ito. Kaya hindi maaaring sabihin ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin masasabi ng ulo sa paa, “Hindi kita kailangan.” Ang totoo, ang mga bahagi ng katawan na parang mahina ang siya pang kailangang-kailangan. Ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay hindi gaanong mahalaga ay inaalagaan nating mabuti, at ang mga bahaging hindi maganda ay ating pinapaganda. Hindi na kailangang pagandahin ang mga bahaging maganda na. Ganoon din nang isaayos ng Diyos ang ating katawan, binigyan niya ng karangalan ang mga bahaging hindi gaanong marangal, upang hindi magkaroon ng pagkakahati-hati sa katawan; sa halip, magkaroon ang bawat bahagi ng pagmamalasakit sa isaʼt isa. Kaya kung nasasaktan ang isang bahagi ng katawan, ang ibang bahagi ay nasasaktan din. At kung ang isang bahagi ay pinararangalan, ang ibang bahagi ay natutuwa rin. Kayong lahat ang bumubuo sa katawan ni Kristo, at ang bawat isaʼy bahagi nito.