Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Cronica 5

5
Ang Lahi ni Ruben
1Si Ruben ang panganay na anak ni Israel.#5:1 Israel: O Jacob. Ngunit dahil dinungisan niya ang karangalan ng kanyang ama sa pakikipagtalik niya sa isa sa mga asawa nito, ang karapatan niya bilang panganay ay ibinigay sa mga anak ni Jose na kanyang kapatid. Kaya hindi siya inilista sa talaan ng lahi nila bilang panganay na anak. 2Kahit mas makapangyarihan si Juda kaysa sa kanyang mga kapatid at ang pinuno ay nagmula sa kanyang lahi, ang karapatan ng pagkapanganay ay ibinigay kay Jose.
3Ang mga lalaking anak ni Ruben na panganay ni Israel ay sina Hanoc, Falu, Hezron at Carmi.
4Ang mga angkan ni Joel ay sina Semaias, Gog, Simei, 5Mica, Reaias, Baal, 6at Beera. Si Beera ang pinuno ng lahi ni Ruben nang binihag sila ni Haring Tiglat-pileser#5:6 Tiglat-pileser: O Pilneser. ng Asiria.
7Ang mga kamag-anak ni Beera na naitala sa talaan ng kanilang mga angkan ayon sa kanilang lahi ay si Jeiel na pinuno, si Zacarias, 8at si Bela na anak ni Azaz na anak ni Sema at apo ni Joel. Ang lahi ni Ruben ay tumira mula sa Aroer hanggang sa Nebo at Baal-meon. 9At dahil dumami ang kanilang hayop doon sa Gilead, tumira sila hanggang sa silangan, sa tabi ng ilang na papunta sa Ilog ng Eufrates.
10Nang si Saul pa ang hari, nakipaglaban sila sa mga Hagreo at tinalo nila ang mga ito. Sinakop nila ang mga tinitirhan ng mga Hagrita sa buong silangan ng Gilead.
Ang Lahi ni Gad
11Tumira ang lahi ni Gad sa lupain ng Bashan na kasunod ng lupain nina Ruben, hanggang sa Saleca. 12Si Joel ang pinuno sa Bashan, ang sumunod sa kanya ay si Safam, pagkatapos ay sina Janai at Safat.
13Ang kanilang mga kamag-anak ayon sa bawat pamilya ay sina Micael, Mesulam, Sheba, Jorai, Jacan, Zia at Heber, pito silang lahat. 14Sila ang mga angkan ni Abihail na anak ni Huri. Si Huri ang anak ni Jaroa at apo ni Gilead, at apo sa tuhod ni Micael. Si Micael ay anak ni Jesisai at apo ni Jahdo, at apo sa tuhod ni Buz. 15Si Ahi na anak ni Abdiel at apo ni Guni ang siyang pinuno ng kanilang pamilya.
16Tumira sila sa Gilead doon sa Bashan at sa mga baryo sa paligid nito, at sa buong pastulan ng Saron. 17Nailista silang lahat sa talaan ng mga angkan noong panahon ng paghahari ni Jotam sa Juda at ni Jeroboam sa Israel.
18May 44,760 na sundalo sa mga lahi nina Ruben, Gad, at sa kalahating lahi ni Manases. Sinanay sila para sa labanan at mahusay silang gumamit ng mga pananggalang, espada at pana. 19Nakipaglaban sila sa mga Hagreo, Jetur, Nafis, at Nodab. 20Humingi sila ng tulong sa Diyos nang nakipaglaban sila, at dahil nagtiwala sila sa kanya, tinugon ng Diyos ang panalangin nila. Kaya pinagtagumpay sila ng Diyos sa mga Hagreo at sa mga kakampi nito. 21Pinagkukuha nila ang hayop ng mga Hagreo: limampung libong kamelyo, dalawandaan at limampung libong tupa at dalawang libong asno. Binihag din nila ang isang daang libong tao. 22Marami silang napatay dahil tinulungan sila ng Diyos sa pakikipaglaban. Tinirhan nila ang mga lugar na ito hanggang sa mabihag sila ng ibang bansa.
Ang Kalahating Lahi ni Manases
23Ang kalahating angkan ni Manases ay napakarami. Tumira sila sa mga lupain mula sa Bashan papunta sa Baal-hermon, Senir, at Bundok ng Hermon. At napakarami nila.
24Ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya ay sina Efer, Isi, Eliel, Azriel, Jeremias, Hodavias at Jahdiel. Matatapang silang mandirigma at tanyag na mga pinuno ng mga pamilya nila. 25Ngunit hindi sila naging tapat sa Diyos ng kanilang mga ninuno, sa halip sumamba sila sa mga diyos ng mga taong nilipol ng Diyos sa lupaing iyon. 26Ito ang dahilan kung bakit niloob ng Diyos ng Israel na lusubin sila ni Pul na hari ng Asiria (na siya ring si Tiglat-pileser). Binihag ni Pul ang mga lahi ni Ruben at Gad, pati na ang kalahating lahi ni Manases at dinala sa Hala, Habor, Hara, at sa Ilog ng Gozan, kung saan doon sila naninirahan hanggang ngayon.

Kasalukuyang Napili:

1 Mga Cronica 5: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in