Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Cronica 23

23
Ang Gawain ng mga Levita
1Nang matandang-matanda na si David, ginawa niyang hari ng Israel ang anak niyang si Solomon.
2Ipinatipon niya ang lahat ng pinuno ng Israel, pati ang mga pari at mga Levita. 3Binilang ang mga Levita na nasa edad tatlumpu pataas, at ang bilang nilaʼy tatlumpuʼt walong libo. 4Sinabi ni David, “Ang dalawampuʼt apat na libo sa kanila ay mamamahala ng mga gawain sa bahay ng Panginoon, ang anim na libo ay maglilingkod bilang mga opisyal at mga hukom, 5ang apat na libo ay maglilingkod bilang mga tagapagbantay ng mga pintuan, at ang apat na libo ay magpupuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga instrumentong pangmusika na ipinagawa ko para sa gawaing ito.” 6Hinati ni David sa tatlong grupo ang mga Levita, ayon sa mga pamilya ng mga anak ni Levi na sina Gerson, Kohat at Merari.
Ang mga Angkan ni Gerson
7Ang mga anak ni Gerson ay sina Ladan#23:7 Ladan: O Libni. at Simei. 8Tatlo ang anak ni Ladan: si Jehiel, ang pinakapinuno ng kanilang pamilya,#23:8 pinakapinuno ng kanilang pamilya: O panganay. si Zetam at si Joel. 9Sila ang mga pinuno ng mga pamilya ni Ladan.
Si Simei ay may tatlo ring anak na lalaki na sina Zelomit, Haziel at Haran. 10Nagkaroon pa ng apat na anak na lalaki si Simei: sina Jahat, Zina,#23:10 Zina: O Ziza. Jeus at Beria. 11Ang pinakapinuno ng kanilang pamilya ay si Jahat, ang pangalawa ay si Zisa, at sumunod sina Jeus at Beria. Kakaunti lang ang anak na lalaki nina Jeus at Beria kaya binilang silang isang pamilya lang.
Ang mga Angkan ni Kohat
12Si Kohat ay may apat na anak na lalaki na sina Amram, Izar, Hebron at Uziel.
13Ang mga lalaking anak ni Amram ay sina Aaron at Moises. Ibinukod si Aaron at ang kanyang mga angkan para sa pagtatalaga ng mga napakabanal na bagay, sa pag-aalay ng mga handog sa Panginoon, sa paglilingkod sa kanya at sa pagbabasbas sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon magpakailanman.
14Ang mga lalaking anak ni Moises na lingkod ng Diyos ay kabilang sa mga Levita. 15Ang mga anak niyang lalaki ay sina Gerson at Eliezer. 16Ang isa sa mga lalaking anak ni Gerson ay si Sebuel na pinakapinuno ng kanilang pamilya. 17Si Eliezer ay may kaisa-isang anak na lalaki, si Rehabias na pinakapinuno rin ng kanilang pamilya. Marami ang mga angkan ni Rehabias.
18Ang isa sa mga lalaking anak ni Izar ay si Zelomit na pinakapinuno ng kanilang pamilya.
19Ang mga lalaking anak ni Hebron ay sina Jerias na pinakapinuno ng kanilang pamilya, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jecamiam ang ikaapat.
20Ang mga lalaking anak ni Uziel ay sina Micas na pinakapinuno ng kanilang pamilya, at Isaias ang pangalawa.
Ang mga Angkan ni Merari
21Ang mga lalaking anak ni Merari ay sina Mahli at Musi. Ang mga lalaking anak ni Mahli ay sina Eleazar at Kish. 22Namatay si Eleazar na walang anak na lalaki kundi puro babae. Silaʼy napangasawa ng kanilang mga pinsan na mga anak ni Kish.
23Si Musi ay may tatlong anak na lalaki na sina Mahli, Eder at Jeremot.
24Sila ang lahi ni Levi ayon sa mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Nakatala ang kani-kanilang mga pangalan. Ang bawat isa sa kanila ay dapat nasa edad dalawampu pataas upang makapaglingkod sa Templo ng Panginoon. 25Sinabi ni David, “Binigyan tayo ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ng kapayapaan at maninirahan siya sa Jerusalem magpakailanman. 26Hindi na kailangang dalhin ng mga Levita ang Tolda at ang mga kagamitan nito.” 27Ayon sa huling utos ni David, ang lahat ng Levita na nasa edad dalawampu pataas ay itinala upang maglingkod.
28Ang tungkulin ng mga Levita ay ang pagtulong sa mga pari, na mga angkan ni Aaron sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon. Sila ang mangangalaga ng bakuran ng templo at ng mga kuwarto sa gilid nito. Sila rin ang tutulong sa mga seremonya ng paglilinis at ng iba pang gawain sa bahay ng Diyos. 29Sila rin ang pinagkatiwalaan sa banal na tinapay na inilalagay sa mesa, sa piling harina para sa mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon, sa tinapay na walang pampaalsa, at sa iba pang niluluto at minamasa. Sila rin ang pinagkatiwalaan sa pagtitimbang at sa pagtatakal ng lahat. 30Tungkulin din nila ang tumayo tuwing umaga at gabi upang magpasalamat at magpuri sa Panginoon. 31Tutulong din sila sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon tuwing Araw ng Pamamahinga, tuwing Pista ng Bagong Buwan, at sa iba pang mga pista. May mga sinusunod silang tuntunin kung ilang mga Levita ang gagawa ng gawaing ito at kung paano nila ito gagawin.
32Kaya ginawa ng mga Levita ang tungkulin nilang alagaan ang Toldang Tipanan at ang Banal na Lugar, at sa pagtulong sa mga kamag-anak nilang pari na mula sa angkan ni Aaron sa paglilingkod sa Templo ng Panginoon.

Kasalukuyang Napili:

1 Mga Cronica 23: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in