22
1Pagkatapos, sinabi ni David, “Dito sa lugar na ito itatayo ang bahay ng Panginoong Diyos at ang altar para sa mga handog na sinusunog ng Israel.”
Ang Paghahanda para sa Pagpapatayo ng Templo
2Nag-utos si David na tipunin ang mga dayuhang naninirahan sa Israel. Pumili siya sa kanila ng mga tagatabas ng bato para sa bahay ng Diyos. 3Nagbigay si David ng napakaraming bakal upang gawing mga pako at bisagra para sa mga pintuan, at maraming tanso na hindi na matimbang sa sobrang bigat. 4Naghanda rin siya ng napakaraming kahoy na sedro na dinala sa kanya ng mga Sidoneo at Tiro.
5Sinabi ni David, “Bata pa ang anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Kailangang ang bahay ng Panginoon na itatayo ay napakaganda at magiging tanyag sa buong mundo. Kaya paghahandaan ko ito ngayon pa lang.” Kaya lubusan ang paghahandang ginawa ni David bago siya mamatay.
6Pagkatapos, ipinatawag ni David ang anak niyang si Solomon at inutusang ipatayo ang bahay para sa Panginoon, ang Diyos ng Israel. 7Sinabi ni David kay Solomon, “Anak, gusto ko sanang magpatayo ng bahay para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon na aking Diyos. 8Ngunit ito ang sinabi niya sa akin: ‘Sa dami ng labanang napagdaanan mo, maraming tao ang napatay mo, kaya hindi kita papayagang magpatayo ng bahay para sa aking karangalan. 9Ngunit bibigyan kita ng anak na lalaki na maghahari nang may kapayapaan dahil hindi siya gagambalain ng lahat ng kanyang kalaban sa paligid. Ang magiging pangalan niya ay Solomon,#22:9 Solomon: Ang pangalang itoʼy posibleng galing sa salitang Hebreo na shalom na ang ibig sabihin ay “kapayapaan.” at bibigyan ko ng kapayapaan ang Israel sa kanyang paghahari. 10Siya ang magpapatayo ng bahay para sa aking karangalan. Ituturing ko siyang anak at akoʼy magiging kanyang ama. Maghahari ang mga angkan niya sa Israel magpakailanman.’ ”
11“Kaya anak, gabayan ka sana ng Panginoon at magtagumpay ka sa pagpapatayo mo ng bahay ng Panginoon na iyong Diyos, ayon sa sinabi niya na gawin mo. 12Bigyan ka sana ng Panginoon na iyong Diyos ng karunungan at pang-unawa upang matupad mo ang kautusan niya sa panahon na pamamahalain ka niya sa buong Israel. 13At kung matupad mo nang mabuti ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa Israel sa pamamagitan ni Moises, magiging matagumpay ka. Kaya magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manlupaypay.
14“Pinaghirapan kong mabuti ang paghahanda ng mga materyales para sa pagpapatayo ng Templo ng Panginoon – 3,500 toneladang ginto, 35,500 toneladang pilak, at maraming tanso at mga bakal na hindi na matimbang sa sobrang bigat. Naghanda rin ako ng mga kahoy at mga bato, pero kailangan mo pa rin itong dagdagan. 15Marami kang manggagawa: mga tagatabas ng bato, mga mason, mga karpintero at mga taong may kakayahan sa anumang gawaing 16ginto, pilak, tanso at bakal. Ngayon, simulan mo na ang pagpapagawa, at gabayan ka sana ng Panginoon.”
17Pagkatapos, inutusan ni David ang lahat ng pinuno ng Israel na tulungan ang anak niyang si Solomon. 18Sinabi niya sa kanila, “Kasama nʼyo ang Panginoon na inyong Diyos at binigyan niya kayo ng kapayapaan sa mga nakapalibot na mga bansa. Sapagkat ipinagkatiwala niya sa akin ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito, at ngayon ay sa Panginoon na at tayong mga mamamayan niya ang may sakop sa mga ito. 19Kaya ngayon, italaga ninyo ang inyong sarili sa inyong Panginoong Diyos, nang buong pusoʼt kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng Templo ng inyong Panginoong Diyos upang mailagay na ang Kahon ng Kasunduan at ang mga banal na kagamitan ng Diyos sa Templong ito na itatayo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon.”