Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Cronica 21

21
Ipinasensus ni David ang Kanyang mga Sundalo
(2~Sam. 24:1‑25)
1Inatake ni Satanas#21:1 ni Satanas: o ng kaaway. ang Israel, kaya inudyukan niya si David na ipasensus ang mga Israelita. 2Kaya sinabi ni David kay Joab at sa mga kumander ng mga sundalo, “Lumakad kayo at isensus ang mga Israelita mula sa Beer-seba hanggang sa Dan.#21:2 mula … Dan: Ibig sabihin, sa buong bansa ng Israel. Pagkatapos, bumalik kayo rito upang malaman ko kung ilan silang lahat.”
3Ngunit sumagot si Joab, “Paramihin sana ng Panginoon ng isang daang ulit ang inyong mga mamamayan. Ngunit, Mahal na Hari, bakit gusto nʼyong gawin ang bagay na ito? Hindi po ba mga sakop nʼyo naman sila? Bakit idadamay nʼyo ang Israel sa gagawin ninyong kasalanan?”
4Ngunit nanaig ang utos ng hari kay Joab, kaya umalis si Joab, nilibot ang buong Israel at bumalik agad sa Jerusalem. 5Sinabi niya kay David ang bilang ng mga lalaki na may kakayahang makipaglaban: 1,100,000 sa Israel at 470,000 sa Juda.
6Ngunit hindi isinama ni Joab sa pagbilang ang mga lahi nina Levi at Benjamin dahil masakit sa kalooban niya ang iniutos ng hari sa kanya. 7Hindi rin natuwa ang Diyos sa utos na ito kaya pinarusahan niya ang Israel.
8Pagkatapos, sinabi ni David sa Diyos, “Napakalaking kasalanan po itong nagawa ko. Kaya nakikiusap ako sa inyo, Panginoon, na patawarin nʼyo ako na inyong lingkod sa aking kasalanan, dahil isa pong kamangmangan ang ginawa ko.”
9Sinabi ng Panginoon kay Gad na propeta ni David, 10“Pumunta ka kay David at sabihin mo sa kanya, ‘Ito ang sinabi ng Panginoon: Magbibigay ako ng tatlong pagpipilian mo. Mamili ka ng isa kung alin ang gusto mong gawin ko saʼyo.’ ”
11Kaya pumunta si Gad kay David at sinabi sa kanya, “Ito ang sabi ng Panginoon: ‘Alin sa tatlong ito ang gusto mo: 12tatlong taong taggutom, tatlong buwang paglipol sa inyo ng mga kalaban ninyo o tatlong araw na salot mula sa Panginoon sa pamamagitan ng pagwasak ng anghel ng Panginoon sa buong lupain ng Israel.’ Magpasya ka at sabihin mo sa akin kung ano ang isasagot ko sa Panginoon na nagpadala sa akin.”
13Sumagot si David kay Gad, “Nahihirapan akong pumili. Mabuti pang ang Panginoon na lang ang magparusa sa akin kaysa sa mga kamay ng tao, dahil napakamaawain ng Panginoon.”
14Kaya nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel, at pitumpung libong Israelita ang namatay. 15At habang winawasak ng anghel ang Jerusalem, naawa#21:15 naawa: O nagbago ng isip. ang Panginoon sa mga tao. Kaya sinabi niya sa anghel na lumilipol sa mga tao, “Tama na! Huwag mo na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng Panginoon sa may giikan ni Ornan#21:15 Ornan: O Arauna. na Jebuseo.
16Tumingala si David at nakita niya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa himpapawid, sa kalagitnaan ng langit at lupa. May hawak itong espada na nakaturo sa Jerusalem. Pagkatapos, nagpatirapa si David at ang mga tagapamahala ng Israel na nakasuot ng sako bilang pagpapakita ng kanilang pagdadalamhati.
17Sinabi ni David sa Diyos, “Ako po ang nag-utos na bilangin ang mga lalaki na may kakayahang makipaglaban. Ako po ang tanging nagkasala. Ang mga taong ito ay inosente na parang mga tupa. Wala silang nagawang kasalanan. O Panginoon na aking Diyos, ako na lang po at ang aking pamilya ang parusahan ninyo. Huwag nʼyo pong pahirapan ang inyong mga mamamayan sa salot na ito.”
Nagtayo si David ng Altar
18Pagkatapos, inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad na sabihin kay David na pumunta siya sa giikan ni Ornan na Jebuseo, at gumawa roon ng altar para sa Panginoon. 19Kaya pumunta si David ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Gad.
20Nang panahong iyon, gumigiik ng trigo si Ornan at ang apat niyang anak na lalaki. Nang makita nila ang anghel ng Panginoon, tumakbo ang apat na anak ni Ornan at nagtago. 21Pagkatapos, nakita ni Ornan na paparating si David. Kaya umalis siya sa giikan at nagpatirapa sa harapan ni David.
22Sinabi ni David sa kanya, “Ipagbili mo sa akin ang giikan mo upang makapagpatayo ako ng altar para sa Panginoon, upang huminto na ang salot sa mga tao. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito.”
23Sinabi ni Ornan kay David, “Sige po Mahal na Hari, kunin ninyo. Gawin nʼyo kung ano ang gusto ninyo. Bibigyan ko pa po kayo ng baka upang ialay bilang handog na sinusunog, mga tabla na ginagamit sa paggiik upang ipanggatong at trigo upang ihandog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ibibigay ko po itong lahat sa inyo.”
24Ngunit sumagot si Haring David kay Ornan, “Hindi ko ito tatanggapin nang libre. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito. Hindi ko magagawang kunin ito sa iyo at ihandog sa Panginoon. Hindi ako mag-aalay ng handog na sinusunog na walang halaga sa akin.”
25Kaya binayaran ni David si Ornan ng animnaraang pirasong#21:25 animnaraang piraso: O mga pitong kilo. ginto para sa lupaing iyon. 26Pagkatapos, gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan. At sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng apoy mula sa langit upang sunugin ang mga handog sa altar.
27Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa anghel na ibalik na ang espada niya sa lalagyan nito.
28Nang makita ni David na sinagot ng Panginoon ang kanyang dalangin, nag-alay pa siya ng handog doon sa giikan ni Ornan na Jebuseo. 29Nang panahong iyon, ang Tolda ng Panginoon at ang altar para sa mga handog na sinusunog na ipinagawa ni Moises sa ilang ay nasa mataas na lugar sa Gibeon. 30Ngunit hindi pumunta roon si David upang magtanong sa Diyos, dahil natatakot siya sa espada ng anghel ng Panginoon.

Kasalukuyang Napili:

1 Mga Cronica 21: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in