YouVersion Logo
Search Icon

Ester 6

6
Pinarangalan si Mordecai
1Nang gabing iyon, hindi makatulog si Haring Xerxes. Ipinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito habang siya'y nakikinig. 2Nabasa ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Bigtan at Teres na patayin ang Haring Xerxes. 3Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?”
Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po.”
4Nagtanong ang hari, “Sino ba ang nasa bulwagan?”
Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa ipinagawa niyang bitayan. 5Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.”
At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”
6Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?”
Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari, 7kaya sinabi niya, “Ganito po: 8Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari. 9Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’”
10Sinabi ng hari kay Haman, “Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pintuan ng palasyo.”
11Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.”
12Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan. 13Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga tagapayo.#13 tagapayo: o kaya'y kaibigan. Sinabi sa kanya ng kanyang mga tagapayo at ng kanyang asawa, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya.”
14Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester.

Currently Selected:

Ester 6: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy