YouVersion Logo
Search Icon

Deuteronomio 28

28
Ang Pagpapala ng Pagiging Masunurin
(Lev. 26:3-13; Deut. 7:12-24)
1“Kung#Deut. 11:13-17. susundin lamang ninyo si Yahweh na inyong Diyos at tutuparin ang kanyang mga utos, gagawin niya kayong pinakadakila sa lahat ng mga bansa sa balat ng lupa. 2Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh.
3“Pagpapalain niya kayo sa inyong mga bayan at sa inyong mga bukid.
4“Pagpapalain niya kayo ng maraming anak, masaganang ani sa inyong lupain, at maraming alagang hayop.
5“Pagpapalain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon.
6“Pagpapalain niya kayo sa lahat ng inyong gagawin.
7“Ang mga kaaway na magtatangkang lumaban sa inyo ay matatalo ninyo sa tulong ni Yahweh. Sasalakayin nila kayo ngunit magkakanya-kanya sila sa pagtakas.
8“Pagpapalain niya ang inyong mga kamalig at lahat ng inyong gawain; pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.
9“Tulad ng pangako ni Yahweh, kayo'y gagawin niyang isang bansang matatag at nakalaan sa kanya kung susundin ninyo siya at tutuparin ang kanyang mga tuntunin. 10Sa ganoon makikita ng lahat ng bansa na kayo'y kanyang bayan, at matatakot sila sa inyo. 11Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Pararamihin niya ang inyong anak, at mga hayop, at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin. 12Bubuksan niya ang langit upang ibuhos sa inyo ang ulan sa kapanahunan. Pagpapalain nga niya kayo sa lahat ng inyong gagawin. Dahil dito, hindi kayo mangungutang, sa halip, kayo pa ang magpapautang sa ibang bansa. 13Gagawin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod. Uunlad kayo at hindi mabibigo kung susundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 14Huwag ninyong lalabagin ang alinman sa sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong lilihis sa kanan o sa kaliwa. Huwag kayong tatalikod kay Yahweh ni sasamba o maglilingkod sa mga diyus-diyosan.
Ang Ibubunga ng Pagsuway
(Lev. 26:14-46)
15“Subalit kung hindi kayo makikinig kay Yahweh na inyong Diyos at hindi susunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon, mangyayari sa inyo ang mga sumpang ito:
16“Susumpain niya kayo, ang inyong mga lunsod at ang inyong mga bukid.
17“Susumpain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon.
18“Susumpain niya kayo at magkakaroon lamang kayo ng iilang anak, mahinang ani, at kaunting alagang hayop.
19“Mabibigo kayo sa lahat ng inyong gagawin.
20“Padadalhan niya kayo ng kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa lahat ng inyong gagawin hanggang sa kayo'y malipol. Gagawin niya ito dahil sa pagtalikod ninyo sa kanya. 21Hindi niya kayo aalisan ng salot hanggang sa maubos kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. 22Lilipulin kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng sakit na pagkatuyo, nag-aapoy na lagnat, pamamaga ng katawan, at sakit sa balat; padadalhan din niya kayo ng matinding init at tagtuyot. Hindi kayo titigilan ng mga ito hanggang hindi kayo nalilipol. 23Ipagkakait sa inyo ang ulan at dahil dito, magiging parang bakal ang lupa dahil sa pagkatigang. 24Pauulanan kayo ni Yahweh ng alikabok sa halip na tubig hanggang sa kayo'y lubusang mapuksa.
25“Hahayaan niyang matalo kayo ng inyong mga kaaway. Lalaban kayo sa kanila ngunit magkakanya-kanya kayo ng takbo. Dahil dito, kikilabutan ang lahat ng bansa sa inyong sinapit. 26Kakainin ng mga ibon at mga hayop ang inyong mga bangkay ngunit walang mag-aabalang bumugaw sa mga ito. 27Pahihirapan kayo ng mga pigsa, gaya ng ginawa ni Yahweh sa mga Egipcio. Tatadtarin niya kayo ng galis, buni at pangangati ng balat na hindi mapapagaling. 28Dahil sa mga gagawin ni Yahweh sa inyo ay masisiraan kayo ng bait, bubulagin niya kayo at lilituhin. 29Parang bulag kayong mangangapa sa katanghaliang-tapat, at maliligaw kayo sa inyong mga lakad. Anuman ang inyong gawin ay hindi kayo magtatagumpay. Patuloy kayong gigipitin at sasamsaman ng ari-arian ngunit walang sasaklolo sa inyo.
30“Makikipagkasundo kayong pakasal sa isang babae ngunit iba ang mapapangasawa niya. Magtatayo kayo ng bahay ngunit iba ang titira. Magtatanim kayo ng ubas ngunit iba ang makikinabang. 31Kakatayin ang sarili ninyong baka sa harapan ninyo ngunit hindi ninyo matitikman. Aagawin sa inyo ang inyong asno at hindi na ibabalik. Ang mga tupa ninyo'y sasamsamin ng kaaway at hindi na ninyo mababawi. 32Ang inyong mga anak ay kitang-kita ninyong ibibigay sa ibang tao, ngunit wala kayong magagawa. 33Isang bansang hindi ninyo kilala ang makikinabang sa ani ng inyong lupain at sa bunga ng inyong pagpapagod. Pahihirapan nila kayo at patuloy na aapihin 34hanggang sa masiraan kayo ng bait dahil sa inyong paghihirap. 35Pahihirapan kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng bukol sa tuhod at binti. Hindi ninyo ito mapapagaling, sa halip ay kakalat mula sa ulo hanggang paa.
36“Kayo at ang inyong hari ay ipapabihag ni Yahweh sa isang bansang hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Maglilingkod kayo sa kanilang diyos na yari sa kahoy at bato. 37Sa mga bansang pagtatapunan sa inyo ni Yahweh ay magiging katatawanan kayo at pag-uusapan. Magtataka ang mga tao roon sa inyong kinahinatnan.
38“Maghahasik kayo ng marami ngunit kaunti lamang ang maaani sapagkat sisirain ng mga balang. 39Magtatanim kayo ng ubas at masinop ninyo itong aalagaan ngunit hindi kayo makakatikim ng bunga o katas nito sapagkat sisirain ng uod. 40Magkakaroon nga kayo ng maraming punong olibo sa inyong lupain ngunit hindi kayo makakakuha ng langis sapagkat malalagas ang mga bunga nito. 41Magkakaanak kayo ngunit mawawala sa inyo sapagkat mabibihag ng mga kaaway. 42Uubusin ng mga kulisap ang inyong mga punongkahoy at pananim.
43“Uunlad ang kabuhayan ng mga dayuhang kasama ninyo ngunit ang kabuhayan ninyo'y patuloy na babagsak. 44Sila ang magpapautang sa inyo at wala kayong maipapautang sa kanila. Sila ang mamumuno sa inyo at kayo'y tagasunod nila.
45“Kapag hindi kayo nakinig sa Diyos ninyong si Yahweh at hindi sumunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo, magaganap sa inyo ang lahat ng mga sumpang ito hanggang kayo'y lubusang mapuksa. 46Ang mga ito'y magsisilbing patotoo ng hatol ng Diyos sa inyo at sa inyong magiging lahi magpakailanman. 47Hindi ninyo pinaglingkuran nang buong kasiyahan at kagalakan si Yahweh sa panahon ng inyong kasaganaan. 48Kaya, ipapasakop niya kayo sa inyong mga kaaway. Sila ang paglilingkuran ninyo sa panahon ng kagutuman, kauhawan, kahubaran at kakulangan sa lahat ng bagay. Pahihirapan kayo ni Yahweh hanggang kayo ay malipol. 49Ipapalusob kayo ni Yahweh sa isang bansang mula pa sa kabilang panig ng daigdig. Hindi ninyo alam ang kanilang wika. Simbilis ng agila na sasalakayin nila kayo. 50Matitigas ang kalooban ng mga taong iyon, at walang awa sa matanda man o bata. 51Uubusin nila ang inyong mga hayop, pati ang ani ng inyong lupain. Wala silang ititira sa inyong ani, inumin, langis, baka o kawan, hanggang sa kayo'y malipol. 52Kukubkubin nila ang inyong mga bayan sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh hanggang sa gumuho ang nagtataasang pader na sa akala ninyo'y magliligtas sa inyo.
53“Kapag kinubkob kayo ng inyong mga kaaway, sa tindi ng inyong gutom ay kakainin ninyo pati ang inyong mga anak na ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 54Magiging maramot pati ang pinakamabait na tao. Hindi niya bibigyan ng pagkain pati kanyang kapatid, asawa o ang nalalabi niyang anak. 55Sinuman sa kanila'y hindi niya bibigyan ng kinakain niyang karne ng kanyang anak sa takot na mawalan siya ng makakain. Ganyan ang aabutin ninyo sa panahon ng pagkubkob sa inyo ng inyong mga kaaway. 56Maging ang pinakamabait at pinakamaselang babae sa Israel na dati'y hindi tumutuntong ng lupa ay magiging maramot pati sa asawa't mga anak. 57Maging#2 Ha. 6:28-29; Panag. 4:10. ang kasisilang na sanggol at ang mga anak na kanyang isinilang ay ipagdadamot niya. Lihim niya itong kakainin at pagkaubos ay ang sanggol ang isusunod niya. Ganyan nga ang aabutin ninyo sa panahon ng pagsalakay sa inyo ng inyong mga kaaway.
58“Kapag hindi ninyo sinunod ang lahat ng utos sa aklat na ito at hindi ninyo iginalang ang kahanga-hanga at kakila-kilabot na pangalan ni Yahweh, 59kayo at hanggang sa inyong kaapu-apuhan ay padadalhan niya ng matinding kahirapan at mga salot na walang katapusan. 60Ipadaranas niya sa inyo ang mga kinatatakutan ninyong sakit na ipinadala niya sa Egipto. Hindi na kayo gagaling sa mga sakit na ito. 61Padadalhan din niya kayo ng iba pang karamdamang hindi nabanggit sa aklat na ito ng kautusan hanggang sa kayo'y mapuksa. 62At kahit dumami pa kayo na sindami ng bituin sa langit, kaunti lamang ang matitira sa inyo sapagkat hindi kayo nakinig sa Diyos ninyong si Yahweh. 63Kung gaano kalaki ang kanyang kasiyahan sa pagpapala at pagpapaunlad sa inyo, gayon din kalaki ang kasiyahan niya sa pagwasak at pagpuksa sa inyo. Bubunutin niya pati ang pinakaugat ng inyong lahi sa lupaing ibibigay niya sa inyo.
64“Sa gagawin sa inyo ni Yahweh ay magkakawatak-watak kayo sa lahat ng sulok ng daigdig at kayo'y sasamba sa mga diyos na yari sa kahoy at bato, sa mga diyus-diyosang kailanma'y hindi ninyo nakilala ni ng inyong mga ninuno. 65Hindi kayo mapapanatag doon. Lagi kayong mag-aalala. Mamumuhay kayo sa kabiguan at matinding kalungkutan. 66Laging manganganib ang inyong buhay. Araw at gabi'y paghaharian kayo ng takot at walang katiyakan ang buhay. 67Dahil sa malaking takot na likha ng inyong nakikita, kung araw ay sasabihin ninyong sana'y gumabi na, at kung gabi naman sana'y mag-umaga na. 68Ibabalik kayo ni Yahweh sa Egipto, sakay ng mga barko, kahit naipangako niyang hindi na kayo pababalikin doon. Ipagbibili ninyo ang mga sarili ninyo upang maging alipin ng inyong mga kaaway ngunit walang bibili sa inyo.”

Currently Selected:

Deuteronomio 28: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy