YouVersion Logo
Search Icon

Ecclesiastico 3

3
Tungkulin sa Magulang
1Mga anak, ako'y inyong ama, kaya makinig kayo.
Gawin ninyo ito, at di kayo mapapahamak.
2Sapagkat ang mga ama ay binigyan ng Panginoon ng kapangyarihan sa mga anak,
at iniuutos niya na sundin ng mga anak ang kanilang ina.
3Ang gumagalang sa kanyang ama'y nagbabayad na sa kanyang kasalanan,
4at ang nagpaparangal sa kanyang ina'y parang nag-iimpok ng kayamanan.
5Ang gumagalang sa kanyang ama'y paliligayahin naman ng kanyang mga anak,
at ang panalangin niya'y agad diringgin ng Panginoon.
6Pahahabain ng Diyos ang buhay ng nagpaparangal sa kanyang mga magulang—
siya na sumusunod sa Panginoon.
7Ang may paggalang sa Panginoong Diyos ay gumagalang sa kanyang mga magulang,
at pinaglilingkuran niya ang kanyang magulang na parang panginoon niya.
8Igalang#Exo. 20:12. mo ang iyong ama sa salita at sa gawa,
upang sumaiyo ang kanyang pagpapala.
9Pinatatatag ng pagpapala ng isang ama ang pamumuhay ng mga anak,
ngunit ito ay sinisira ng sumpa ng isang ina.
10Huwag mong ipagkakalat ang kahihiyan ng iyong ama,
sapagkat ang kanyang kahihiyan ay hindi mo ikararangal.
11Ikararangal ng sinuman ang gumalang sa kanyang ama,
at kahihiyan ng mga anak ang di gumalang sa kanilang ina.
12Anak, kalingain mo ang iyong ama kapag siya'y matanda na,
at huwag mo siyang dudulutan ng sama ng loob habang nabubuhay.
13Pagpaumanhinan mo siya kapag nanlalabo na ang kanyang isip;
huwag mo siyang lalapastanganin ngayong nasa kasibulan ka na ng iyong lakas.
14Ang paglingap mo sa iyong ama ay di malilimutan,
iyan ay magiging kabayaran sa iyong mga kasalanan.
15Ang ginawa mo sa iyong ama ay aalalahanin ng Panginoon,
at ang mga kasalanan mo'y matutunaw na parang yelo pagdating ng tag-init.
16Ang sinumang magpabaya sa kanyang ama ay para nang lumapastangan sa Diyos,
at ang gumagawa ng ikagagalit ng ina'y susumpain ng Panginoon.
Ang Kababaan ng Loob
17Anak, maging mapagpakumbabá ka sa pagtupad ng tungkulin,
at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos.#17 at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos: Ganito ang nasa tekstong Griego. Sa tekstong Hebreo ay At pahahalagahan ito ng mga tao higit sa mga kaloob (o regalo).
18-19Habang#Fil. 2:3. ika'y dumadakila, lalo ka namang magpakumbabá;
sa gayo'y kalulugdan ka ng Panginoon.#18-19 sa gayo'y…Panginoon: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Marami ang itinatampok at dinadakila, ngunit ang lihim ng Diyos ay sa mga mapagpakumbabá ipinahahayag.
20Sapagkat kahanga-hanga ang kapangyarihan ng Panginoon
at dinadakila siya ng mga nagpapakumbabá.
21Huwag mong hangaring maunawaan ang mga bagay na lampas sa iyong kakayahan,
huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman.
22Sundin#Deut. 29:29. mo ang Kautusang bigay sa iyo ng Panginoon;
huwag mong pagkaabalahan ang inilihim niya sa iyo.
23Huwag mong pakialaman ang di mo saklaw,
sapagkat marami sa mga itinuro sa iyo ay lampas sa pang-unawa ng tao.
24-25Maraming naliligaw dahil sa kanilang pabigla-biglang hatol;
napilipit ang kanilang isipan ng kanilang maling palagay.#24-25 Maraming naliligaw…maling palagay: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Kung wala kang mata, di ka makakakita; huwag mong sabihing marunong ka kung talagang wala kang nalalaman.
26Ang matigas ang ulo'y daranas ng pasakit sa bandang huli;
ang mahilig sa panganib ay ipapahamak nito.
27Ang matigas ang ulo'y laging nasusubo sa ligalig;
ang nawili na sa kasalana'y palaging magkakasala.
28Walang katapusan ang kapighatian ng palalo;
nag-ugat na ang kasamaan sa kanyang puso.
29Pinahahalagahan ng matalino ang mga talinhaga;
nakikinig ang marunong pagkat nais niyang matuto.
Ang Pagtulong sa Maralita
30Kung ang tubig ay pumapatay ng apoy,
ang pagkakawanggawa ay pumapawi ng kasalanan.
31Ang gumagawa ng mabuti sa kapwa ay naghahanda para sa kinabukasan,
sapagkat kapag siya naman ang nagipit, mayroon siyang masasandalan.

Currently Selected:

Ecclesiastico 3: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy