YouVersion Logo
Search Icon

Nahum 3

3
1Tiyak na ang iyong pagkawasak!
Lunsod ng mga sinungaling at mamamatay-tao,
puno ng kayamanang mananakaw at masasamsam.
2Lumalagapak ang mga latigo,
dumadagundong ang mga gulong,
humahagibis ang mga kabayo,
rumaragasa ang mga karwahe!
3Sumusugod ang mga mangangabayo,
kumikinang ang kanilang espada, kumikislap ang dulo ng sibat!
Nakabunton ang mga bangkay,
di mabilang ang mga patay,
sa mga ito'y natatalisod ang mga nagdaraan!
4Ang Nineve ay katulad ng isang mahalay na babae,
mapanukso at puno ng kamandag.
Binighani niya ang ibang mga bansa at inalipin ang mga ito.
5Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
“Paparusahan kita, Nineve!
Huhubaran kita nang makita ka ng ibang mga bansa.
Dahil dito'y mapapahiya ka.
6Tatabunan kita ng dumi,
at gagawing hamak.
Mandidiri sa iyo ang mga tao.
7Lalayuan ka ng lahat ng makakakita sa iyo.
Sasabihin nila, ‘Wasak na ang Nineve!
Sino ang magmamalasakit sa kanya?
Sino ang aaliw sa kanya?’”
Hindi Maipagtatanggol ng Nineve ang Kanyang Sarili
8Nakahihigit ka ba sa Tebez?
Siya rin naman ay may ilog
na nakapalibot gaya ng isang pader,
ang Ilog Nilo na kanyang tanggulan.
9Pinangunahan niya ang Etiopia#9 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan. at Egipto,
walang hanggan ang kanyang kapangyarihan;
ang Libya ay kapanalig ng Tebez.
10Gayunma'y dinala siyang bihag ng kanyang kaaway.
Ipinaghampasan sa mga panulukang daan ang kanilang mga anak.
Ginapos ng tanikala ang magigiting nilang lalaki,
at ang mga ito'y pinaghati-hatian ng mga bumihag sa kanila.
11Nineve, ikaw man ay malalasing at mahihilo.
Sisikapin mo ring tumakas sa iyong mga kaaway.
12Ang lahat ng iyong kuta ay magiging parang mga puno ng igos
na hinog na ang mga bunga.
Kapag inuga ang mga puno, malalaglag ang mga bunga
sa mismong bibig ng gustong kumain.
13Parang mga babae ang iyong mga hukbo,
at ang iyong bansa ay hindi kayang magtanggol laban sa kaaway.
Lalamunin ng apoy ang mga panara sa iyong mga pintuan.
14Mag-ipon ka na ng tubig para sa panahon ng pagkubkob sa iyo.
Tibayan mo ang iyong mga tanggulan.
Simulan mo na ang pagmamasa ng luwad,
at hulmahin ang mga tisa.
15Anuman ang gawin mo, matutupok ka pa rin
at mamamatay sa labanan.
Malilipol ka tulad ng pananim na kinain ng mga balang.
Magpakarami kang gaya ng mga balang!
16Pinarami mo ang iyong mangangalakal;
higit pa sila sa mga bituin sa kalangitan!
Ngunit wala na sila ngayon,
tulad ng mga balang na nagbubuka ng kanilang mga pakpak upang lumipad palayo.
17Ang mga pinuno mo ay parang mga balang,
na nakadapo sa mga pader kung malamig ang panahon,
ngunit nagliliparan pagsikat ng araw,
at walang nakakaalam kung saan sila pupunta.
18Ang mga pinuno mo'y patay na, Asiria, gayon din ang iyong mga maharlika. Nagkalat sa parang ang iyong mamamayan at walang magtipon sa kanila. 19Wala man lang gumamot sa iyong sugat na malubha at nagnanaknak. Lahat ng makabalita sa sinapit mo ay natutuwa't pumapalakpak, sapagkat ginawan mo silang lahat nang napakasama.

Currently Selected:

Nahum 3: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy