YouVersion Logo
Search Icon

Juan 21

21
Ang Ikatlong Pagpapakita ni Jesus
1Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: 2magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael na taga-Cana sa Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. 3Sinabi#Lu. 5:5. sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.”
“Sasama kami,” sabi nila.
Umalis nga sila at sumakay sa isang bangka. Magdamag silang nangisda, subalit wala silang nahuli. 4Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa pampang ngunit siya'y hindi nila nakilala. 5Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?”
“Wala po,” sagot nila.
6“Ihulog#Lu. 5:6. ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo,” sabi ni Jesus.
Inihulog nga nila ang lambat at nang hilahin nila ito ay hindi nila makaya sa dami ng huli. 7Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!”
Nang marinig ito ni Simon Pedro, nagsuot siya ng damit dahil nakahubad siya noon at saka lumusong sa tubig. 8Dumaong sa pampang ang kasama niyang mga alagad, sakay ng bangka na hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong malayo sa pampang, mga siyamnapung metro lamang. 9Pagkaahon nila sa pampang, nakakita sila roon ng isdang iniihaw sa baga, at ilang tinapay. 10“Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Jesus. 11Kaya't sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda; 153 ang lahat ng nahuli nila. Hindi nasira ang lambat, kahit ganoon karami ang mga isda. 12“Halikayo at mag-almusal tayo,” sabi ni Jesus. Isa man sa mga alagad ay hindi nangahas magtanong sa kanya kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang kanyang ginawa sa isda.
14Ito ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay.
Pakainin Mo ang Aking mga Tupa
15Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?”
“Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo,” tugon niya.
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga tupa.” 16Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”
Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.” Sabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”
17Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?”
Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?”
At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa. 18Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa lugar na di mo gusto.” 19Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paanong mamamatay si Pedro at kung paano niya pararangalan ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin!”
Ang Alagad na Minamahal ni Jesus
20Lumingon#Jn. 13:25. si Pedro at nakita niyang kasunod niya ang alagad na minamahal ni Jesus, ang siyang humilig sa dibdib ni Jesus nang sila'y naghahapunan at nagtanong, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa inyo?” 21Nang makita siya ni Pedro ay tinanong nito si Jesus, “Panginoon, paano po naman ang taong ito?”
22Sumagot si Jesus, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo? Sumunod ka sa akin!” 23Kumalat sa mga mananampalataya ang balitang hindi mamamatay ang alagad na ito. Ngunit hindi naman sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo?”#23 ano sa iyo?: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
24Siya ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito; siya rin ang sumulat ng mga ito at alam naming totoo ang kanyang pahayag.
Pagwawakas
25At marami pang ginawa si Jesus na kung isusulat lahat, inaakala kong hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na maisusulat tungkol dito.

Currently Selected:

Juan 21: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy