YouVersion Logo
Search Icon

Mga Hukom 21

21
Ikinuha ng mga Asawa ang mga Benjaminita
1Ang kalalakihan ng Israel ay nagtipun-tipon sa Mizpa at nangako kay Yahweh. Ang sabi nila, “Hindi namin pahihintulutan ang aming mga anak na babae na mapangasawa ng mga Benjaminita.”
2Pagkaraan niyon, pumunta sila sa Bethel, at malungkot na humarap kay Yahweh. Hanggang gabi silang nakaupo roon, at buong kapaitang nanangis. 3Sinabi nila, “Yahweh, Diyos ng Israel, bakit kailangan pang mawala ang isa sa mga lipi ng Israel?”
4Kinaumagahan, ang mga Israelita'y nagtayo roon ng isang altar at naghain ng mga handog para sa kapayapaan at nagsunog ng buong handog. 5Nagtanungan sila kung aling lipi ng Israel ang hindi nakiisa sa pagtitipon sa Mizpa, sapagkat mahigpit nilang ipinangako na papatayin ang sinumang hindi humarap doon kay Yahweh. 6Labis nilang ikinalungkot ang nangyari sa mga kapatid nilang Benjaminita. Ang sabi nila, “Ang Israel ay nabawasan ng isang lipi. 7Saan natin ikukuha ng mapapangasawa ang mga natitira pang Benjaminita sapagkat tayo'y sumumpang hindi natin papayagang mapangasawa nila ang ating mga anak?”
8Sinabi nila, “Ang lipi ng Israel ay may isang angkang hindi humarap kay Yahweh sa Mizpa.” Nalaman nilang hindi pumunta roon ang mga taga-Jabes-gilead 9sapagkat isa mang taga-Jabes-gilead ay walang sumagot nang isa-isang tawagin ang mga tao. 10Kaya ang kapulungang iyon ay pumili ng 12,000 matatapang na kawal, pinapunta sa Jabes-gilead, at inutusang patayin ang lahat ng tagaroon, 11bata't matanda, lalaki't babae, liban sa mga dalaga. 12Nakakita sila ng apatnaraang dalagang hindi pa nasisipingan at ang mga ito'y iniuwi nila sa Shilo, sakop ng Canaan.
13Pagkatapos, ang mga Israelita ay nagpadala ng sugo sa mga Benjaminitang nagtatago sa Bundok ng Rimon. Ipinasabi nila, “Maaari na kayong umuwi sapagkat tapos na ang ating digmaan.” 14Nag-uwian naman ang mga ito at ibinigay sa kanila ng mga Israelita ang mga dalagang taga-Jabes-gilead, ngunit ang mga ito'y kulang sa kanila.
15Ikinalungkot nga ng mga Israelita ang nangyari sa mga Benjaminita sapagkat nagkalamat ang pagkakaisa ng mga lipi ng Israel. 16Kaya nag-usap-usap ang mga pinuno ng kapulungan. Ang sabi nila, “Walang natirang babaing Benjaminita. Ano ang gagawin natin para magkaasawa ang wala pang asawa? 17Hindi natin dapat pabayaang malipol ang alinman sa lipi ng Israel. Kailangang gumawa tayo ng paraan para hindi mawala ang lipi ni Benjamin. 18Hindi naman natin maibibigay sa kanila ang ating mga anak sapagkat isinumpa nating hindi papayagan na mapangasawa nila ang ating mga anak.” 19Noon nila naalalang malapit na ang taunan nilang pista para kay Yahweh na ginaganap nila sa Shilo, sa hilaga ng Bethel, gawing timog ng Lebona, sa gawing silangan ng daan sa pagitan ng Bethel at Shekem.
20Sinabi nila sa mga Benjaminita, “Magtago kayo sa ubasan 21at hintayin ninyo ang mga dalagang taga-Shilo. Pagdaan nila roon upang magsayaw sa pista, mang-agaw na kayo ng inyong mapapangasawa at iuwi ninyo. 22Kapag nagreklamo sa amin ang kanilang mga ama o mga kapatid, sasabihin na lang namin sa kanila na bayaan na kayo sapagkat kulang sa inyo ang mga dalagang nakuha namin sa Jabes. Iyon naman ay hindi masasabing pagsira nila sa pangako sapagkat kinuha ninyo nang wala silang pahintulot.” 23Ganoon nga ang ginawa ng mga Benjaminita; bawat isa sa kanila'y pumili ng isa sa mga nagsasayaw, at tinangay. Umuwi sila sa kanilang lupain, itinayo ang kanilang mga lunsod at muling nanirahan doon. 24Samantala, ang ibang mga Israelita ay umuwi na sa kanya-kanyang lipi, pamilya at ari-arian.
25Nang#Huk. 17:6 panahong iyon ay wala pang hari sa Israel; ginagawa ng bawat isa ang lahat ng kanilang magustuhan.

Currently Selected:

Mga Hukom 21: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy