YouVersion Logo
Search Icon

Pahayag 22

22
Ang Pagpapanumbalik ng Eden
1Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito ay kasinlinaw ng kristal at dumadaloy mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, 2at umaagos sa gitna ng pangunahing lansangan ng lungsod. Sa magkabilang tabi ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Namumunga ito ng labindalawang beses sa isang taon, isang beses sa bawat buwan. At ang mga dahon nito ay ginagamit sa pagpapagaling sa mga bansa. 3Walang anumang isinumpa ng Diyos na makikita roon. Naroon ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng mga lingkod niya. 4Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa mga noo nila ang kanyang pangalan. 5Wala nang gabi roon, kaya hindi na kailangan ang mga ilawan o ang liwanag ng araw, dahil ang Panginoong Diyos ang magiging ilaw nila. At maghahari sila magpakailanman.
Si Juan at ang Anghel
6At sinabi sa akin ng anghel, “Ang mga salitang ito ay totoo at maaasahan. Ang Panginoong Diyos, na nagpapahayag sa kanyang mga propeta, ang siyang nagsugo ng anghel niya upang ipakita sa mga lingkod niya ang mga bagay na malapit nang mangyari.”
7Sinabi ni Hesus, “Malapit na akong dumating! Mapalad ang mga sumusunod sa mga pahayag ng Diyos sa aklat na ito.”
8Akong si Juan ang nakarinig at nakakita ng lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat ng ito, nagpatirapa ako upang sumamba sa anghel na nagpakita sa akin ng mga ito. 9Ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag! Huwag mo akong sambahin. Sapagkat katulad mo, alipin din ako ng Diyos at ng mga katulad mong propeta, at ng lahat ng sumusunod sa mga nakasulat sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo!”
10Sinabi pa niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya sa aklat na ito, dahil malapit na itong matupad. 11Ang masama ay magpapakasama pa, at ang marumi ay magpapakarumi pa. Ngunit ang matuwid ay magpapakatuwid pa, at ang banal ay magpapakabanal pa.”
Pangwakas na Paanyaya at Babala
12Sinabi ng Panginoong Hesus, “Makinig kayo! Malapit na akong dumating! Dala ko ang aking gantimpala para sa bawat isa ayon sa mga ginawa niya. 13Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, o ang simula at ang katapusan.
14“Mapalad ang naglilinis ng mga damit nila, dahil papayagan silang makapasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. 15Ngunit maiiwan sa labas ang masasamang tao,#22:15 masasamang tao: Sa literal, mga aso. mga mangkukulam, mga imoral, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga diyos-diyosan, at ang lahat ng nagmamahal at nabubuhay sa kasinungalingan.
16“Akong si Hesus ang nagsugo sa aking anghel sa inyo upang magpatotoo sa mga bagay na ito para sa mga iglesya. Ako ang Supling na mula sa lahi ni David at ang maningning na Tala sa Umaga.”
17Sinabi ng Espiritu at ng babaeng ikakasal, “Halikayo!” Ang lahat ng nakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!” Lumapit ang sinumang nauuhaw at gustong uminom ng tubig na nagbibigay-buhay. Wala itong bayad.
18Binabalaan ko ang lahat ng nakakarinig sa propesiya sa aklat na ito. Sa sinumang magdagdag sa mga nilalaman ng aklat na ito, idaragdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na nakasulat dito. 19At ang sinumang magbawas sa mga nilalaman ng aklat na ito ay aalisan ng Diyos ng karapatang kumain sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. At mawawalan din siya ng karapatang makapasok sa Banal na Lungsod na nabanggit sa aklat na ito.
20Sinasabi ng nagpapatotoo sa lahat ng nakasulat dito, “Talagang malapit na akong dumating!”
Sinabi ko naman, “Amen! Pumarito na po kayo, Panginoong Hesus.”
21Sumainyo nawang lahat ang biyaya ng Panginoong Hesus. Amen.

Currently Selected:

Pahayag 22: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in