Salmo 38
38
Salmo 38
Awit na isinulat ni David kung saan ay hiniling niya sa Diyos na siyaʼy alalahanin.
1 Panginoon, sa inyong galit,
huwag nʼyo akong patuloy na parusahan.
2Ang inyong palaso ay tumagos sa akin
at ang inyong kamao ay bumaon sa akin.
3Dahil sa galit nʼyo sa akin,
nanlulupaypay ang aking katawan.
Sumasakit ang buong katawan ko
dahil sa aking mga kasalanan.
4Parang nalulunod na ako
sa nag-uumapaw kong kasalanan.
Itoʼy isang pasanin
na hindi ko na makayanan.
5Dahil sa aking kamangmangan
ang aking mga sugat
ay namamaga at nangangamoy.
6Akoʼy namimilipit sa sobrang sakit
at lubos ang kalungkutan ko buong araw.
7Sumasakit ang buo kong katawan,
at bumagsak na rin ang aking kalusugan.
8Akoʼy pagod na at nanghihina pa,
at dumadaing din ako
dahil sa sobrang bigat ng aking kalooban.
9Panginoon, alam nʼyo ang lahat kong hinahangad,
at naririnig nʼyo ang lahat kong mga daing.
10Kumakabog ang aking dibdib
at akoʼy nanghihina;
pati ang ningning ng aking mga mata
ay tuluyan nang nawala.
11Dahil sa aking karamdaman,
akoʼy iniwasan ng aking mga kaibigan, kasamahan,
at maging ng aking mga kamag-anak.
12Ang mga tao na gustong pumatay sa akin
ay naglalagay ng bitag upang akoʼy hulihin.
Ang mga gustong manakit sa akin
ay nag-uusap na akoʼy ipahamak.
Buong araw silang nagpaplano ng kataksilan.
13Ngunit para akong pipi at bingi
na hindi nakaririnig
at hindi nakapagsasalita.
14Nagbibingi-bingihan ako
at hindi sumasagot sa kanila.
15Sapagkat naghihintay pa rin ako
sa inyo, Panginoon.
Batid kong sasagutin nʼyo ako,
Panginoon kong Diyos.
16Kayaʼt hinihiling ko sa inyo:
“Huwag nʼyong hayaang matuwa
ang aking mga kaaway
o kayaʼy magmalaki sila
kapag akoʼy natumba.”
17Akoʼy parang babagsak na
sa walang tigil na paghihirap.
18Inaamin ko ang aking mga kasalanan;
Binabagabag ako ng mga ito.
19Tungkol naman sa aking mga kaaway,
napakarami at napakalakas nila.
Kinamumuhian nila ako
nang walang dahilan.
20Sa mabuti kong ginawa,
sinusuklian nila ako ng masama.
At kinakalaban nila ako
dahil nagsisikap akong gumawa ng mabuti.
21 Panginoon kong Diyos,
huwag nʼyo akong pababayaan;
huwag nʼyo akong lalayuan.
22 Panginoon kong Tagapagligtas,
agad nʼyo po akong tulungan.
Currently Selected:
Salmo 38: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Awit 38
38
Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap
Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.
1Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
2Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
at iyong mga kamay, hinampas sa akin.
3Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
dahil sa sala ko ako'y nagkasakit.
4Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
mabigat na lubha itong aking dala.
5Malabis ang paglala nitong aking sugat,
dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
6Wasak at kuba na ang aking katawan;
sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
7Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
8Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
puso'y dumaraing sa sakit na taglay.
9O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
dahil sa sugat ko sa aking katawan;
lumalayo pati aking sambahayan.
12Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.
13Para akong bingi na di makarinig,
at para ring pipi na di makaimik;
14sa pagsasanggalang ay walang masabi,
walang marinig katulad ng isang bingi.
15Ngunit saiyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
mahapdi't makirot ang aking katawan.
18Aking ihahayag ang kasalanan ko,
mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
wala mang dahila'y namumuhi sila.
20Ang ganting masama ang sukli sa akin,
dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.
21Panginoong Yahweh, huwag akong iiwan;
maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society