Salmo 37
37
Salmo 37
Awit na isinulat ni David.
1Huwag kang mabahala
dahil sa mga gumagawa ng masasama,
o mainggit sa mga gumagawa ng mali.
2Dahil tulad ng damo,
silaʼy madaling matutuyo,
at tulad ng sariwang halaman,
silaʼy malalanta.
3Magtiwala ka sa Panginoon
at gumawa ng mabuti.
Sa gayon ay mananahan ka
nang ligtas sa lupaing ito.
4Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan,
at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo.
5Ipagkatiwala mo sa Panginoon
ang lahat ng iyong ginagawa;
magtiwala ka sa kanya
at tutulungan ka niya.
6Ihahayag niya nang malinaw
na ikaw ay matuwid at makatarungan,
kasinliwanag ng sinag ng araw
sa katanghaliang tapat.
7Pumanatag ka sa piling ng Panginoon,
at matiyagang maghintay sa gagawin niya.
Huwag mong kaiinggitan ang masasama
na gumiginhawa,
kahit pa magtagumpay
ang masasamang plano nila.
8Huwag kang magagalit,
pigilan mo ang iyong poot.
Ni huwag kang mababalisa,
dahil ito sa iyo ay makakasama.
9Ang masama ay ipagtatabuyan,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon
ay mananatili sa lupaing ito.
10Hindi magtatagal at mawawala ang masasama.
At kahit hanapin mo man sila
ay hindi mo na makikita.
11Ngunit ang mga mapagpakumbaba
ay patuloy na mananahan sa lupain ng Israel
nang mapayapa at masagana.
12Ang mga masama ay nagpaplano
ng hindi mabuti laban sa mga matuwid,
at galit na galit sila.
13Ngunit tinatawanan lamang ng Panginoon
ang mga masama,
dahil alam niyang malapit na
ang oras ng paghahatol.
14Binunot na ng masasama
ang kanilang mga espada,
at nakaumang na ang kanilang mga pana
upang patayin ang mga dukha
na namumuhay nang matuwid.
15Ngunit sila rin ang masasaksak
ng kanilang sariling espada
at mababali ang kanilang mga pana.
16Ang kaunting tinatangkilik ng matuwid
ay mas mabuti
kaysa sa kayamanan ng masama.
17Dahil tutulungan ng Panginoon
ang matuwid,
ngunit mawawalan ng kakayahan
ang taong masama.
18Araw-araw, inaalagaan ng Panginoon
ang mga taong matuwid.
At tatanggap sila ng gantimpalang
pangwalang hanggan.
19Sa panahon ng kahirapan
hindi sila malalagay sa kahihiyan.
Kahit na taggutom,
magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan.
20Ngunit ang mga taong masama
ay mamamatay.
Ang mga kaaway ng Panginoon
ay tulad ng bulaklak sa parang,
Silaʼy maglalaho na gaya ng usok.
21Ang taong masama ay nangungutang
pero hindi nagbabayad,
ngunit ang taong matuwid
ay naaawa at nagbibigay ng sagana.
22Ang mga pinagpapala ng Panginoon
ay patuloy na mananahan sa lupain ng Israel.
Ngunit silang mga isinumpa niya ay palalayasin.
23Ginagabayan ng Panginoon
ang bawat hakbang ng taong matuwid
na ang buhay ay nakakalugod sa kanya.
24Matisod man siyaʼy hindi siya mabubuwal,
dahil hinahawakan siya ng Panginoon.
25Akoʼy naging bata at ngayoʼy matanda na,
ngunit hindi ko pa nakita kahit kailan
na ang matuwid ay pinabayaan ng Panginoon
o ang kanyang mga anak
ay namalimos ng pagkain.
26Ang matuwid ay palaging nagbibigay
at nagpapahiram,
at ang kanilang mga anak
ay nagiging pagpapala sa iba.
27Iwasan ang masama at gawin ang mabuti;
nang sa gayon ay manahan ka
sa lupain magpakailanman.
28Dahil ang nais ng Panginoon ay katarungan,
at ang mga taong tapat sa kanya
ay hindi niya pinapabayaan.
Silaʼy iingatan niya magpakailanman.
Ngunit ang lahi ng mga taong masama
ay mawawala.
29Ang mga matuwid ay mananahan magpakailanman
sa lupain ng Israel na sa kanilaʼy ipinamana.
30Ang taong matuwid ay nagsasalita ng tama, at may karunungan.
31Ang Kautusan ng Diyos
ay iniingatan niya sa kanyang puso,
at hindi niya ito sinusuway.
32Ang mga taong masamaʼy laging nagbabantay
para salakayin at patayin
ang taong may matuwid na pamumuhay.
33Ngunit hindi pababayaan ng Panginoon
ang taong matuwid
sa kamay ng kanyang mga kaaway,
o parurusahan man kapag siyaʼy hinatulan.
34Magtiwala ka sa Panginoon
at sundin mo ang kanyang pamamaraan.
Pararangalan ka niya
sa pamamagitan ng pagpapatira saʼyo
sa lupain ng Israel,
at masasaksihan mo ang pagpaparusa niya
sa mga taong masama.
35Nakita ko ang masamang tao
na nang-aapi.
Gusto niyang kilalanin siyang mataas kaysa sa iba,
katulad ng mataas na punongkahoy ng Lebanon.
36Nang siyaʼy aking balikan,
siyaʼy wala na;
hinanap ko siya ngunit hindi ko na nakita
dahil siyaʼy patay na.
37Tingnan mo ang taong totoo at matuwid.
May magandang kinabukasan
at tahimik na pamumuhay.
38Ngunit lilipulin ang lahat ng mapaghimagsik,
at ang kinabukasan nila ay mawawala.
39Ang kaligtasan ng mga matuwid
ay mula sa Panginoon.
Siya ang tanggulan nila
sa panahon ng kaguluhan.
40Tinutulungan sila ng Panginoon
at inililigtas sa mga taong masama,
dahil silaʼy humihingi ng kanyang kalinga.
Currently Selected:
Salmo 37: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Awit 37
37
Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti
Katha ni David.
1Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
2Katulad ng damo, sila'y malalanta,
tulad ng halaman, matutuyo sila.
3Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
4Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.
5Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
6Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
7Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
sa likong paraan, umunlad man sila.
8Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
walang kabutihang makakamtan ka.
9Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.
10Hindi magtatagal, sila'y mapaparam,
kahit hanapin mo'y di masusumpungan.
11Tatamuhin#Mt. 5:5. ng mga mapagpakumbabá, ang lupang pangako na kanyang pamana;
at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila.
12Ang taong masama'y laban sa matuwid,
napopoot siyang ngipi'y nagngangalit.
13Si Yahweh'y natatawa lang sa masama,
pagkat araw nila lahat ay bilang na.
14Taglay ng masama'y pana at patalim,
upang ang mahirap dustai't patayin,
at ang mabubuti naman ay lipulin.
15Ngunit sa sariling tabak mamamatay,
pawang mawawasak pana nilang taglay.
16Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti,
kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y bale-wala.
17Lakas ng masama ay aalisin,
ngunit ang matuwid ay kakalingain.
18Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin,
ang lupang minana'y di na babawiin.
19Kahit na sumapit ang paghihikahos,
di daranasin ang pagdarahop.
20Ngunit ang masama'y pawang mamamatay;
kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman;
para silang usok na paiilanlang.
21Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa,
ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.
22Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi;
ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin.
23Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas;
sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
24Kahit na mabuwal, siya ay babangon,
pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
25Mula pagkabata't ngayong tumanda na,
sa tanang buhay ko'y walang nabalita na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya;
o ang anak niya'y naging hampas-lupa.
26Sa lahat ng oras, bukás pa ang palad sa pagkakaloob sa mga mahirap;
pagpapala'y laan ng kanilang mga anak.
27Masama'y itakwil, mabuti ang gawin,
upang manahan kang lagi sa lupain.
28Ang lahat ng taong wasto ang gawain,
ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil.
Sila'y iingatan magpakailanman,
ngunit ang masama ay ihihiwalay.
29Ang mga matuwid, ligtas na titira,
at di na aalis sa lupang pamana.
30Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan;
at sa labi nila'y pawang katarungan.
31Ang utos ng Diyos ang laman ng puso,
sa utos na ito'y hindi lumalayo.
32Ang taong masama'y laging nag-aabang,
sa taong matuwid nang ito'y mapatay;
33ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway;
di rin magdurusa kahit paratangan.
34Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin;
ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin,
at ang mga taksil makikitang palalayasin.
35Ako'y may nakitang taong abusado,
itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito.
36Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na;
hinanap-hanap ko'y di ko na makita.
37Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan,
mapayapang tao'y patuloy ang angkan.
38Ngunit wawasaking lubos ang masama,
lahi'y lilipulin sa balat ng lupa.
39Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid,
iingatan sila kapag naliligalig.
40Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan.
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society