Salmo 147
147
Salmo 147
1Purihin ang Panginoon!
Napakabuting umawit
ng pagpupuri sa ating Diyos.
Napakabuti at nararapat lang
na siya ay purihin.
2Itinatayong muli ng Panginoon
ang Jerusalem,
at muli niyang tinitipon
ang mga nabihag na Israelita.
3Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo,
at ginagamot ang kanilang mga sugat.
4Ang bilang ng mga bituin
ay kanyang nalalaman
at ang bawat isa
ay binigyan niya ng pangalan.
5Makapangyarihan ang ating Panginoon.
Ang kanyang karunungan
ay walang hangganan.
6Tinutulungan ng Panginoon
ang mga inaapi,
ngunit nililipol niya nang lubos
ang masasama.
7Umawit kayo ng pasasalamat sa Panginoon.
Tumugtog kayo ng alpa
para sa ating Diyos.
8Pinupuno niya ng mga ulap
ang kalawakan,
at pinauulanan niya ang mundo,
at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan.
9Binibigyan niya ng pagkain
ang mga hayop
at ang mga inakay na uwak
kapag dumadaing ang mga ito.
10Hindi siya nalulugod
sa lakas ng mga kabayo
o sa kagitingan ng mga kawal.
11Ang Panginoon ay nalulugod
sa mga may takot sa kanya
at nagtitiwala sa kanyang tapat na pag-ibig.
12Purihin ninyo ang Panginoon
na inyong Diyos,
kayong mga naninirahan sa Zion,
ang lungsod ng Jerusalem!
13Dahil pinatitibay niya
ang pintuan ng inyong bayan,
at kayoʼy kanyang pinagpapala.
14Binibigyan niya ng kapayapaan
ang inyong lugar,
at binubusog niya kayo
ng pinakamabuting trigo.
15Inuutusan niya ang mundo,
at agad naman itong sumusunod.
16Inilalatag niya sa lupa ang niyebe
na parang mga puting kumot,
at ikinakalat na parang abo.
17Nagpapadala siya ng ulan na yelo
na parang maliliit na bato.
Kahit sino ay walang makatagal
sa lamig nito.
18Sa kanyang utos,
ang yelo ay natutunaw.
Pinaiihip niya ang hangin,
at ang yelo
ay nagiging tubig na umaagos.
19Ipinahayag niya ang kanyang mga salita,
mga tuntunin at mga utos
sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob.
20Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa;
hindi nila alam ang kanyang mga utos.
Purihin ang Panginoon!
Currently Selected:
Salmo 147: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Awit 147
147
Pagpupuri sa Diyos na Makapangyarihan
1Purihin si Yahweh!
O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos,
ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
2Ang lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
3At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.
4Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin,
isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring.
5Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas,
taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat.
6Taong mapagpakumbabá'y siya niyang itataas,
ngunit lahat ng mayabang sa lupa ay ibabagsak.
7Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin,
purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin.
8Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag,
itong lupa'y dinidilig ng saganang tubig-ulan,
sa bundok at gubat nama'y, mga damo'y binubuhay.
9Pagkain ng mga hayop, siya rin ang nagbibigay,
pinapakain nga niya nagugutom
na inakay.
10Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas,
kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak.
11Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis,
sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.
12Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem!
Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion!
13Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat.
14Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan,
sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan.
15Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
16Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak,
para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag.
17Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato,
lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino.
18Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos,
umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos.
19Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin,
ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
20Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin si Yahweh!
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society